Dayo sa condo tumalon mula 13th floor
LASOG ang katawan ng isa umanong padre de pamilya na dayo matapos tumalon mula sa 13th floor ng isang gusali sa Sampaloc, Manila, Linggo ng hapon.
Nagawa pa umanong sundan ng nakatalagang security guard ang hindi pa nakikilalang lalaki hanggang sa sumakay sa elevator at unang nagtungo sa ika-11 palapag bago nagtuloy sa 13th floor, saka lumundag umano mula sa veranda ng isang condominium sa Earnshaw Street sa Sampaloc.
Dahil sa lakas ng impact ng pagkalagapak nito mula sa nasabing palapag, bali ang mga braso, basag ang bungo at lasog-lasog ang buong katawan ng biktima na tinatayang nasa edad 25 hanggang 30 anyos, nasa 5’4” ang taas, kayumanggi, nakasuot ng itim na t- shirt na may print na “The Gamer” at nakasapatos na kulay puti na may medyas.
Unang nakatanggap ng ulat si Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, commander ng Manila Police District (MPD)-Barbosa Police Station 14, sa mga tauhan ng University Belt Area Police Community Precinct na nakakuha ng tawag mula sa security guard kauganay sa pagtalon ng lalaki sa condo.
Agad na rumesponde sina Police Master Sergeant Dodie Daquioag at Police Staff Sergeant Jeus Cris Jacalne.
Pagdating sa lugar, agad nila itong kinordon at saka ipinagbigay-alam sa tanggapan ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng MPD-Homicide Section, upang isailalim ang insidente sa masusing imbestigasyon.
Kasunod na rumesponde ang MPD-Forensic Unit sa pangunguna ni Police Captain Geovanni Brinquez para mangalap ng mga ebidensiya at ang fingerprint ng biktima upang matukoy ang pagkakakilanlan nito at kung may foul play sa insidente.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinita ng security guard na si Almar Jundam, 33, ang lalaki na pumasok sa gusali at nagtuloy-tuloy ito sa elevator.
“May pupuntahan ako sa itaas,” sinabi umano ng lalaki at sinundan niya ito pero dali-dali umano itong sumakay sa elevator.
Pagdating sa ika-11 palapag, isang 23-anyos na estudyante na nagbo-board sa condo ang umawat sa tangka nitong pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagtalon.
Hanggang sa ito’y magtuloy-tuloy na umakyat sa ika-13 palapag at saka dito na umano isinagawa ang nasabing pagpapatiwakal ng biktima.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na dayo lamang sa condo ang biktima dahil walang nakakakilala dito.