‘Dayaw,’ tuloy ang pagsulong sa pamanang Pinoy
Patuloy ang misyon ng premyadong documentary series na Dayaw na ipalaganap ang kultura at pamanang Pilipino sa ika-11 nitong season sa ANC, the ABS-CBN News Channel, ngayong Agosto.
Mula 2015, itinatampok na sa produksyong ito ng ANC at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang mga kagawian, tradisyon at kultura ng mga iba’t-ibang grupo ng indigenous peoples sa bansa sa pangunguna ni three-term senator at ngayo’y House Deputy Speaker at Antique Congresswoman Loren Legarda, na siyang nakaisip na gawin ang programa.
Ani Loren, layunin talaga ng Dayaw ang ma-dokumento ang maraming aspekto ng kultura at kaalamang katutubo para manatili itong buhay at naisasapuso ng mga susunod na henerasyon.
Sa bagong season na pinamagatang Kakaibang Sigla, ipapakita ang enerhiya, pagiging competitive at sportsmanship ng mga Pilipino na lumalabas sa mga tradisyunal na laro, martial arts at sayaw ng bansa.
Una nang tinampok ang mga kinalakhang laro ng mga Pilipino tulad ng patintero, sipa at luksong tinik sa unang episode, kasunod ang two-part special ukol sa ritwal na Punnuk ng mga Ifugao tuwing katapusan ng ani.
Sa mga susunod na episode ng Dayaw, ibibida naman ang Filipino martial arts tulad ng arnis, silat at eskrima sa two-part special na nagsimula kahapon, Huwebes, habang Sayawang Pinoy naman ang pokus sa huling episode sa Setyembre 3.
Sa kabila ng pandemya, nakapaglunsad pa ang Dayaw ng mga bagong season, habang hinahanda na rin ang Season 12 na tungkol naman sa mga kagawian kaugnay ng pag-ibig, panliligaw, pag-aasawa at buhay tampok ang mga Gaddang, Tboli at Sama Dilaut.
Sabi ni ANC COO Nadia Trinidad, mapalad sila dahil marami silang naimpok na materyal bago ang pandemya kung kaya hindi naputol ang kanilang paghahatid ng kwento tungkol sa pamumuhay ng indigenous peoples.
Nagpapasalamat naman si NCCA Chair Arsenio “Nick” Lizaso sa kontribusyon nina former Sen. Loren at ng ANC sa paglalapit ng mga kaalaman at pamana ng ating katutubo sa mga manonood na Pilipino at maging sa mga taga-ibang bansa.
“I would like to commend Deputy Speaker Loren Legarda for her vision and commitment to preserve, promote and enrich our culture and heritage, and to ANC for translating that vision into an exemplary body of work,” aniya.
Napapanood ang Dayaw Season 11 tuwing Huwebes, 6 p.m., sa ANC sa cable at sa ANC Facebook page.