David Young, batang Frank Sinatra, pumirma ng kontrata sa Star Music
TULAD ng kanyang apelyido, si David Young ay bata pa at 19 years old.
Pero ang half Filipino-half American singer ay hindi kabilang sa mga kabataang mahilig sa Gen Z pop music, kundi sa mga lumang awitin na mga pinasikat ng mga katulad nina Frank Sinatra, Elvis Presley, Dean Martin at maging ng Bee Gees. Sa madaling salita, si David ay isang crooner o balladeer tulad nina Michael Buble at Harry Connick, Jr.
At napatunayan niya ang kanyang husay sa ilang pagtatanghal tulad ng “Kuh Sings Her ABCs” kung saan hinangaan siya maging ng pinakatampok sa show, ang tinaguriang Philippines’ Pop Diva na si Kuh Ledesma.
Bago rito, hinarana din niya ang mga kandidata ng Miss Manila.
Bagama’t nakikinig siya ng ibang genre, iba ang gusto niyang ipakita bilang isang performer. “I do stick more to old standards,” aniya. “I love those (genres). There’s a certain emotion to them that I really like to bring out whenever I perform. That’s really what I do.”
Bukod sa standard ballads, gusto rin niya ang mga old jazz at ‘70s acoustic tunes.
Nakuha ito ni David sa kanyang ina na isang professional singer.
“She used to take me as a little kid to her gigs,” naalala niya. “I remember being in several different places. I think she performed once at the Music Museum as a guest. She performed a few times here and there, and I would often watch her.”
Taga-Binan, Laguna ang pamilya ni David kung saan sila nagmamay-ari ng isang music lounge. Dahil dito, lalo siyang nahasa sa pagkanta ng mga ballad. Kalaunan, naimbitahan din siyang kumanta sa Bistro RJ ni Ramon ‘RJ’ Jacinto sa Dusit Hotel.
Sa ngayon, handa na si David na ipamalas sa publiko ang kanyang talento sa musika matapos pumirma ng eksklusibong kontrata sa Star Music ng ABS-CBN.
Kabilang sa mga nag-welcome kay David sina ABS-CBN Music operations and creative head Jonathan Manalo, Star Music label head Andie Arellano, at KreativDen manager Dido Camara.
“It feels amazing knowing I’m part of the top music family in the country. When I first met ABS-CBN Music’s creative head Jonathan Manalo, I knew this is exactly where I wanted to be. Their artists, and those working behind the scenes at ABS-CBN, have welcomed me with open arms, and I’m more than grateful,” saad niya.
Naghahanda na rin ang 19-year-old singer-songwriter para sa kanyang ilulunsad na debut album na maglalaman ng iba’t ibang OPM covers at orihinal na awitin na ayon sa kanya ay inspired ng timeless hits na kinahihiligan niya.
Tapos na si David ng high school sa Brent International School Manila noong 2023. Pero bago tumuntong ng college kung saan balak niyang kumuha ng music business management course, nag-online classes muna siya sa music production.
Ganoon ka-seryoso si David sa kanyang musika.