Aradave

Dave, biktima ng bullying — Ara Mina

July 20, 2021 Ian F. Fariñas 378 views

SELF-MADE man ang mister ni Ara Mina at proud ang aktres sa napangasawa dahil dito.

Hindi raw ganu’n kadali ang tagumpay na nakamit ni Philippine International Trading Corporation (PITC) Undersecretary Dave Almarinez sa buhay.

Kuwento ni Ara, nagsimula sa wala si Dave lalo na nu’ng kabataan nito.

Mahirap lamang ang kanyang mga magulang kaya naman nagsumikap ito na makamit ang kanyang pangarap na tagumpay sa buhay.

Sabi ni Ara, “Alam mo ’yan si Bebe ko, nagtitinda ’yan ng ice candy at mani noong bata pa siya.

“’Yung kanyang ama, nag-abroad pa ’yun bilang janitor sa Brunei.

“Tawang-tawa nga ako nu’ng malaman kong biktima siya ng bullying ng kanyang mga kaklase dahil maitim na maitim daw siya nu’ng bata pa dahil nga sa kanyang pagtitinda.”

Nasabi rin ni Dave kay Ara na “negro” ang tawag ng mga bully dito at minsan pa daw ay nilalagyan ng thumbtacks ang kanyang upuan.

Naging student leader sa CAT noon si Dave sa high school.

Mabuti na nga lang at nakakuha ito ng full scholarship sa Far Eastern University nu’ng college kaya nakapagtapos ito ng kursong Political Science.

Dagdag pang kuwento ni Ara, “Alam mo bang nag-apply ’yan bilang crew ng fastfood na Jollibee at McDonalds pero hindi tinanggap nu’ng college siya? Hahaha!

“Alam mo ba ang nakakatawa riyan kaya hindi siya natanggap? Dahil akala nu’ng mga nag-interview, sumisigaw siya, hahaha! Hindi nila alam na ’yun ang normal niyang boses.

“Pero natanggap siya sa ibang fastfood, sa Chowking bilang trainee, eventually.”

Nag-resign din si Dave sa kanyang trabaho sa fastfood at nagtungo ng Singapore. Doon na niya naranasang magbanat talaga ng buto.

Pero isang araw, nawala ang kanyang passport kaya naman sobra siyang problemado noon. Buti na lamang at mabait ang nakapulot nito.

Kuwento pa ni Ara, “Mabait talaga ang Diyos sa asawa ko. ’Yung nakapulot ng passport ay mabait at isinoli sa kanya. Nu’ng nagkita na sila, ipinakilala naman siya nito sa negosyong sinimulan niya and ’ika nga, the rest is history.”

Umuwi si Dave sa Pilipinas at sinimulan isang maliit na start-up business. Una niyang kinumbinsi na sumali ang kanyang mga kamag-anak, kaibigan at kaklase pero inayawan siya.

Hindi ito naging hadlang para hindi na siya magsumikap.

Ani Ara, “Sa awa ng Diyos, lumaki ang negosyo n’ya dahil sa kanyang kasipagan at determinasyon sa buhay. O, ’di ba, nakaka-inspire ang buhay ng Bebe ko kaya din naman ako na-in love.”

Ikinasal sina Ara at Dave nu’ng June 30 sa Baguio City.

AUTHOR PROFILE