Dating Pangulong Erap pinarangalan sa 50th MMFF Gabi ng Parangal
ILANG oras bago idaos ang 50th Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal ay nakausap ng showbiz media si Sen. Jinggoy Estrada na nagsabing dadalo rito ang ama niyang si dating Pangulong Joseph “Erap” Ejercito Estrada para saksihan ang pagpaparangal sa kanya bilang founder ng taunang pestibal.
Sa belated Christmas party ng senador para sa entertainment press kahapon, sinabi niya na a-attend ang kanyang ama pero hindi na siguro ito aakyat pa ng stage para personal na tanggapin ang pagkilala.
“Well, pipilitin ko siya mamaya (meaning, kagabi) na mag-attend. But baka hindi na siguro siya maakyat ng stage at ako na lang siguro ang magbabasa ng kanyang mensahe. Kami siguro ni Jake (Ejercito),” panimula ng aktor-politiko.
Kwento pa niya, masaya ang dating pangulo sa pagkilala ng MMFF sa sukdulang kontribusyon niya sa industriya ng pelikulang Pilipino.
“Actually sa kanya naman… hindi naman porke’t tatay ko ‘yon, sa kanya naman lahat talaga ‘yon, eh. Metro Manila Film Festival, Mowelfund, etc., etc. Marami na rin siyang naging kontribusyon,” dagdag ni Sen. Jinggoy.
Ayon sa kanya, last year pa siya sinabihan ni MMDA Chief Roman Artes tungkol sa gagawing pagkilala sa kanyang ama bilang founder nga ng MMFF.
Dito na binalikan ni Sen. Jinggoy ang background ng pagkakabuo ng pestibal ng pelikulang Tagalog.
Aniya, maraming pagsubok ang nangyari noong 1974, sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. at dating Unang Ginang Imedla Marcos.
“Ang pagkakaaalam ko, if my memory serves me right, pinapirma ng aking ama si First Lady Imelda para magkaroon ng film festival tuwing panahon ng kapaskuhan. Kasi dati, ang mga pinalalabas na mga pelikula ay mga foreign films, mga pelikulang banyaga. So naisip po ng aking ama na dapat panay Tagalog films lang ang ipalabas tuwing panahon ng kapaskuhan. So the rest is history at nangyari na ‘yung gustong mangyari ng aking ama at hanggang ngayon ay itinataguyod pa rin natin ang pelikulang Pilipino tuwing panahon ng kapaskuhan,” pagbabalik-tanaw ng senador.
Sa nasabi nga rin palang post-Christmas party ay nabanggit niya ang sinusuportahang party list sa 2025 elections. Ito ay ang “BFF” o “Balikatan of Filipino Families,” na ang first nominee umano ay ang maybahay niyang si Precy Ejercito.
Ito raw ang party list na laan para sa pamilyang Pilipino.
“We have to strengthen the family dahil siyempre pagka may problema tayo, ‘yung ating sasandalan lang, walang iba kundi ‘yung pamilya natin. So sana ay suportahan natin ‘yung party list na BFF, No. 86. Ang first nominee ng party list na ‘yon ‘yung aking maybahay na si Precy,” sey ni Sen. Jinggoy.
Sa ngayon, wala pa umano siyang showbiz project sa 2025 pero nangako na gagawing taon-taon ang Christmas gathering sa press kahit hindi gaanong aktibo sa show business.
“Dito ako nanggaling, dito ako nagkaroon ng pangalan, kaya kahit kailan, hindi ko puwedeng kalimutan ang industriya ng pelikulang Pilipino,” diin ni Sen. Jinggoy.