Default Thumbnail

Dating Dipaculao VM patay sa ambush

October 5, 2022 People's Tonight 386 views

DEAD on the spot matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang dating bise alkalde ng Dipaculao, Aurora, gayundin ang dalawa pa nitong kasama, dakong alas-5 ng hapon, Oktubre 3 sa Barangay Dibutunan ng naturang lalawigan.

Nakilala ang isa sa mga biktima na si dating Dipaculao Vice Mayor (VM) Narciso Amansec, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga kasama nito.

Ayon sa ulat ng Dipaculao Police station, dakong alas-5:45 ng hapon kahapon, isang concerned citizen ang tumawag sa kanilang himpilan upang ipabatid ang isang insidente ng pamamaril sa nasabing barangay.

Base sa imbestigasyon na pinangunahan ni P/Maj. Eduardo Mendoza, hepe ng pulisya ng Dipaculao, patungo umano ang mga biktima, sakay ng isang Isuzu D-Max, sa Bgy. Diarabasin nang bigla silang pagbabarilin ng mga suspek.

Agad na namatay ang mga biktima, habang mabilis namang nagsitakas ang mga salarin.

Matatandaan na naging kontrobersyal si Amansec sa kanilang lalawigan, matapos nitong ireklamo ang naging kalaban sa pagka-bise gobernador.

Kinondena naman ni Aurora Rep. Rommel Angara ang insidente ng karahasan at nanawagan sa kinauukulan na agarang ibigay ang hustisya.

“Malungkot kong ibinabalita ang nangyaring insidente na naging sanhi ng pagpanaw ng ating kababayan na si dating bokal at dating vice mayor ng Dipaculao Narciso Amansec,” ani Angara.

“Marahas na pinaslang si Nar sa Bgy. Dibutunan kasama ang dalawa pang lulan din ng kanyang sasakyan na hindi pa tiyak ang pagkakakilanlan. Mariin kong kinokondena ang walang awang pagpaslang sa isang kaalyado at kaibigan. Hindi maaaring kunsintihin ang anumang karahasan at kawalang katarungang kagaya nito, lalo na dito sa Probinsya ng Aurora. Sana po ay ito ay agarang ma-solusyonan upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima at tinatawagan ko ang ating mga law enforcement agencies na magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon upang mapanagot ang lahat ng may sala,” pahayag ni Angara.

“Ang mga ganitong pangyayari ay walang lugar dito sa ating lipunan at kailangang ikondena ng naaayon sa batas. Ipinaaabot ko ang aking lubos na pakikiramay sa naiwang pamilya at mahal sa buhay ng mga naging biktima. Paalam Nar!” dagdag ni Angara.

AUTHOR PROFILE