
Darren at Julie Anne sanib-pwersa sa bagong bersyon ng ‘PBB’ theme song
“DREAM come true.”
Ganyan i-describe nina Darren Espanto at Julie Anne San Jose ang pagkakataon na magkasamang i-record ang 2025 version ng “Pinoy Ako,” ang original theme song ng “Pinoy Big Brother” na pinasikat ng bandang Orange & Lemons 19 years ago.
Mula sa panulat ni Jonathan Manalo, ang pinakabagong bersyon ay mapapakinggan sa pagbubukas ng “PBB Celebrity Collab Edition” ng pinagsamang pwersa ng dating rival stations — ABS-CBN at GMA-7.
Sa katatapos na mediacon ng reality show, sinabi ni Darren na malaking honor para sa kanya at kay Julie Anne na maging parte ng milestone na ito sa telebisyon.
“Yes. And it’s also a dream come true for everybody,” salo naman ng tinaguriang Kapuso Limitless Star.
“Siguro sa part din ng artists because we have also been waiting for this moment na talagang mag-collaborate ang GMA artists and ABS-CBN artists. Itong song na ’to is 19 years old na. Oo, 19 years old na. Of course, written by the one and only Mr. Jonathan Manalo. It’s truly, truly an honor to be singing one of his creations na bibigyan namin ng bagong flavor,” dagdag pa ni Julie Anne. Maliban sa pagbibigay dito ng mas makabago at modernong tunog, iba rin umano ang pakiramdam ni Darren na ’yung bagong henerasyon naman ang makaririnig ng kantang ni-release halos dalawang dekada na ang nakararaan.
“For sure marami rin ang naku-curious kung ano… wondering how do they sound together. Like, yeah, they will be hearing our voices sa TV or sa radyo, ‘di ba, everytime ipapalabas ang ‘PBB,’” saad ni Julie Anne.
“It’s cool,” simpleng pag-ayon ni Darren.
At gaya nga ng una nang napabalita, sanib-pwersa sa edisyong ito ang Star Magic at Sparkle artists bilang housemates.
Maging ang hosts ay pinaghalong Kapamilya at Kapuso talents — Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Kim Chiu, Enchong Dee, Melai Cantiveros, Alexa Ilacad, Gabbi Garcia at Mavy Legaspi.
Sa March 9 na magbubukas ang iconic Bahay ni Kuya para sa “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition” na mapapanood weeknights, 10 p.m., at weekends, 6:15 p.m., sa Kapuso channel.
Maaari rin itong subaybayan online via live stream sa “Pinoy Big Brother” YouTube channel, Kapamilya Online Live at iWantTFC.