Dapat muling “pasiglahin” ang kampanya laban sa iligal na droga

June 3, 2021 Paul M. Gutierrez 121 views

PaulNAIS palakasin ni PNP Chief Guillermo Eleazar ang koordinasyon ng PNP, Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang matigil ang patuloy na operasyon ng mga drug lord sa mga bilangguan.

Ito ay matapos masabat ang nasa P6.9 milyong halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation nitong Mayo 28 na ang itinuturong supplier ay mula Cebu City Jail. Ibig sabihin nito, patuloy pa rin ang operasyon ng mga sindikato at drug lord kahit sa loob ng bilangguan.

Kaya naman, kinakailangang pati ang mga bilangguan sa buong bansa lalo na ang New Bilibid Prison(NBP) ay mabantayan nang mahigpit.

Hindi natin maintindihan kung bakit sa kabila ng mga raid na ginagawa dito ay patuloy pa rin ang transaksiyon ng droga. Mukhang malaliman na ang problema dito. At hindi tayo naniniwala na titigil ang operasyon ng droga sa NBP.

Dahil sadyang malaking pera ang droga at patuloy na pinagkukunan ng impluwensiya at kapangyarihan ng marami, may pangangailangan na higit sa pagpapalakas ng koordinasyon ng PNP, BJMP, at BuCor ang kailangang gawin dito. Dapat muling ibalik ng administrasyong Duterte ang “sigla” ng kampanya kontra-droga.

Dahil na rin sa pandemya kaya nalihis ng kaunti ang atensiyon ng pamahalaan sa pagsugpo sa droga.

Alam natin na marami ang natuwa sa naging kampanya ng administrasyon at maraming lugar sa bansa ang naging tahimik nang mawala ang mga tulak sa kani-kanilang mga lugar. Ito ay dahil sa epektibo ang naging kampanya ng pamahalaang Duterte dito. Bagamat may ilang mga sablay sa operasyon at “drowing” ng ibang kapulisan ay nakita natin ang pangkalahatang epekto nito sa pagsugpo ng droga.

Ngayon, dahil sa pandemya, tila unti-unting nakakahanap ng paraan ang mga sindikato sa muling pagkakalat ng droga sa bansa. Talagang hindi titigil ang ganitong mga klase ng tao na gagawin ang lahat upang magkaroon ng pera at impluwensiya.

Bagamat isang malaking hakbang ang pagpapalakas ng koordinasyon ng PNP, BJMP at BuCor, at alam natin na si Chief PNP Eleazar ang tamang tao para dito na seseryosohin ang trabaho, ay kinakailangang maging prayoridad muli ng administrasyong Duterte ang kampanya dito.

Dahil kung hindi, maaaring masayang ang mga nauna nang tagumpay at ganansiya sa kampanya laban sa droga.

Alam nating lahat na hindi simple ang usapin at problema upang sugpuin ang droga sa bansa. Nakita nating lahat nang ilabas ni Pangulong Duterte ang listahan ng mga opisyal ng pamahalaan mula sa kapulisan, militar, at mga politiko na umano’y may kinalaman sa operasyon ng droga sa bansa.

Walang pangulo ng bansa ang naging kasing tapang at seryoso gaya ni Pangulong Duterte upang banggain at pangalanan ang mga ito para lamang masolusyunan ang problema sa droga. Subalit nakita natin na hindi ito naging madali sa administrasyon.

Ang mahalaga naipakita ng administrasyon na kaya nitong gumalaw at alam nating patuloy itong gagalaw upang labanan ang mga sindikato ng droga sa bansa.

 

AUTHOR PROFILE