Dapat may kabalikat na aksyon

July 12, 2021 Paul M. Gutierrez 297 views

PaulTATLONG buwan na lang at matatapos na ang hulaan kung sino-sino ang mga tatakbo bilang pangulo, bise-presidente at mga senador ng bayan.

Sa buwan ng Oktubre, pipila na sa Comelec ang mga ‘wannabes’ para magsumite ng kanilang certificate of candidacy.

Pansinin: May ilang linggo na rin ang mga nagaganap na mga banatan, siraan, at batuhan ng putik sa pagitan ng mga nagbabalak tumakbo sa 2022 election. Hindi pa kampanya yan ha, hehehe.

‘Andyan na mismong si Pang. Rody ay “binabakbakan” ng kanyang kapartido sa PDP-Laban na si Sen. Manny ‘Pacman’ Pacquiao.

Nakisakay na rin si dating Sen. Antonio Trillanes at inakusahan na naman ang pangulo at si Sen. Bong Go ng mga akusasyong plunder o pandarambong. Kumbaga, “maririndi” ka na rin sa ingay pulitika kahit wala pa ang kampanya.

Ang sabi naman ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, walang maidudulot na mabuti ang mga bangayan sa pagitan ng mga kandidato lalo na dahil nasa pandemya pa rin ang ating bansa.

Marami ang nagugutom, marami ang wala pa ring trabaho, at marami pa ang hindi nakakaahon mula sa kawalan na dulot ng COVID-19.

Kaya nga imbes na makisali sa mga siraan, minabuti na lang nitong si Cayetano na i-focus ang kanyang atensyon sa pagtulong sa kapwa.

Kung tutuusin, hindi pa nga sigurado itong si Cayetano kung tatakbong pangulo eh.

Ang dinig natin, sa October pa ito magdedesisyon kung anong posisyon ang kanyang tatakbuhan sa 2022.

Pero tignan nyo naman, mahigit 5,000 na ang nakatanggap ng Sampung Libong Pag-asa o 10K ayuda na tulong ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyadong mambabatas sa ‘BTS’ o ‘Balik sa Tamang Serbosyo’ na mga kapwa niya kasamahan sa Kongreso.

Malawakan na nga ang inabot ng 10K ayuda dahil kalat na sa buong bansa ang mga natulungan nito.

Layon kasi ni Cayetano at ng kanyang grupo na matanto ng mga kongresista, senador at ng gobyerno na kailangan ng mga tao ngayon ang 10K ayuda bilang pang-ahon sa kanilang sitwasyon kaya nararapat na ito ay maisabatas o masali man lang sa ‘Bayanihan 3.’

Pero sa halip na banatan ang Kamara dahil sa kawalang aksyon sa 10K Ayuda Bill, ayun dinagdagan pa ni Cayetano ang kanyang tulong sa mga tao.

Inilunsad ng kanyang grupo ang isa na namang proyekto na makakatulong sa ating mga maliliit na mga kababayan sa buong bansa.

Ito ay ang pagbibigay ng P3,500 sa may 100,000 na mga sari-sari stores sa buong bansa bilang dagdag na puhunan sa kanilang pagtitinda.

Nagkaroon na ito ng soft-launching sa Baguio City, Dagupan City, Olongapo City, at maging sa Guiguinto at Calumpit sa lalawigan ng Bulacan kung saan daan-daang sari-sari stores na ang nakinabang.

Ayon nga kay Nanay Avelina ng Dagupan City, isa sa mga nakatanggap ng P3,500, “malaking tulong” ito ngayong may pandemya.

Sabi pa nga niya, yung kanyang tindahan ang kanila ring naging source ng makakain dahil sila na mismo ang kumokunsumo sa mga noodles, sardinas, toyo, bigas, at iba pa niyang paninda dahil nagkasakit ang kanyang asawa ngayong pandemya.

Binabalikan din ni Cayetano ag mga grupo ng magsasaka at mangingisda na dati ng benepisyaryo ng kanyang ‘PTK’ o Presyo Trabaho Kita at muli nya itong inaabutan ng panibagong tulong pati na ang mga barangay health workers na mga pangunahing medical frontliners sa mga barangay.

Kaya nga siguro dalawang mayor na sa Central Luzon sa katauhan ni San Fernando City Mayor Edwin Santiago at Tarlac City Mayor Christie Angeles ang nagpahayag ng suporta kung tatakbo man si Cayetano bilang pangulo.

Maging si Manay Gina De Venecia ay nanawagan na rin sa mga taga- Pangsinan na suportahan si Cayetano kung ano mang posisyon ang tatakbuhan nito dahil sa kabutihan ng puso nito sa ngalan ng pagseserbisyo.

Exciting na ang nangyayari sa bansa. Ngayon pa lang matuto na tayong kilatisin ang ating mga susunod na lider. Hindi na sapat ngayon na kilala at sikat ka lang.

Hindi na rin pupuwede na puro plano lang. Dapat may kabalikat na aksyon ngayon pa lang, tama ba, Boss Joey Venancio?

AUTHOR PROFILE