
Dapat matuto ang mga LGU sa hatol kay former QC mayor Herbert Bautista
MARAMI tayong matututunan sa desisyon ng Sandiganbayan sa naging hatol kay former QC mayor Herbert Bautista ukol sa P32.1 million Online Occupational Permitting Tracking System.
Kapag hinimay mo ang pasya, masasabi mong hindi na kailangan ng nuclear scientist para maunawaan ang sinasabi ng mga mahistrado sa kasong ito.
Sa 146-page decision ng Sandigan na naghatol ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong kay Herbert at sa dati nitong city administrator bukod pa ang habambuhay na pagbabawal sa kanila na makahawak ng posisyon sa pamahalaan, mabusisi nilang hinimay kung bakit dapat silang hatulan batay sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Taong 2019 nang makuha ng Geodata Solutions Inc ang kontrata para sa pagproseso at pag-track sa occupational permits.
Mismong ang Sandigan ang nagsabi na hindi ma-access sa online ang naturang sistema para makapag-transact ang mga mamamayang may kailangan dito dahil unang-una, hindi umano ito compatible sa sistemang inilatag ng lungsod.
Iyong tinatawag na due diligence ang naging problema rito nila Herbert at ng kanyang administrator dahil sinasabi ng Sandigan na nabayaran ang kontraktor ng P32.1 million kahit hindi natiyak ng mga nakaupong opisyal nakasunod ang sistemang ito para sa pangangailangang dapat niyang maging pamantayan.
Binanggit din ng Sandigan na walang naipresenteng approved city ordinance ang mga hinatulan na lalong naglagay sa balag ng alanganin sa mga ito.
“[I]t is obvious that they (the accused) cannot claim that they were unaware of the condition of the items delivered by Geodata. Clearly, there were missing components.” sabi pa ng korte sa kanilang desisyon.
“The approval of payment and release of a check in favor of Geodata without complete delivery of the project, “constitutes unwarranted benefit, advantage or preference.” dagdag pa ng korte.
“The rush to effect payment to Geodata just two days before the term of office of both accused expired reels with the corrupt intent, dishonest design, or some unethical interest if only to ensure that Geodata received the payment,” ayon pa sa korte.
Ang tanong, totoo bang July 1, 2019 ang date ng city checks na ibinayad sa Geodata? Ibig sabihin, bagong alkalde na ang uupo at tapos na ang termino ni Herbert dito. Bagama’t wala naman sanang problema sa transitional payment dahil lagi naman itong nangyayari kahit saang LGU pero iba ang naging pagtingin dito ng Sandigan.
Kung functional lang talaga ang sistema at totoong pakikinabangan ng mga mamamayan ng Quezon City, okey lang ang pagbabayad kahit ultimo ora bago matapos ang termino ng dating pamunuan.
Ang problema talaga rito, maraming butas ang nakita ng Sandigan, mula sa kawalan ng ordinansa, hindi compatible sa sistema ng lungsod at non-functional o hindi gumagana ang proyekto kaya nagkaroon ng merito ang hatol.
Kaya dapat matuto ang mga LGU sa kanilang mga pagpapasya sa lahat ng bagay na ginagastusan ng pondo ng pamahalaan para hindi humahantong sa pagkakaso at kalaunan ay lfetime ban pa sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.