Torre

Dance instructor tiklo sa P680K shabu sa Kyusi

November 24, 2022 Melnie Ragasa-limena 78 views

ISANG dance instructor ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahulihan ng P680,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Quezon City kahapon.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/Brig. Gen. Nicolas Torre III ang suspek ay isang 32-anyos na lalaki, ng Barangay Culiat, QC.

Sa ulat ni Batasan Police Station (PS 6) Commander P/Lt. Col. Morgan Aguilar, nabatid na dakong alas-3:30 ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa isang buy-bust operation sa Commonwealth Ave., Bgy. Old Balara, sa lungsod.

Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad sa ilegal na aktibidad ng suspek.

Isang undercover operative ang nagpanggap na buyer at nang makabili ng P130,000 halaga ng shabu mula sa suspek at kaagad siyang inaresto.

Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang aabot sa may 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, weighing scale, cellular phone, itim na Mio Sporty Yamaha motorcycle, at buy-bust money.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.