Dalagitang ilang araw nang nawawala, iniluwa ng Ilog Pasig
HALOS lumobo na at tila naagnas na nang matagpuan ang isang 12-anyos na babae, matapos na ilang araw na diumanong nawawala mula noong magkayayaan ang magkakaibigan at pabiro itong itinulak sa Ilog Pasig sa Sta. Ana Ferry Station sa Maynila.
Base sa ulat ni Det. Christian Joseph Pineda na isinumite kay P/Lt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, pasado alas-3:05 ng hapon, Miyerkules, nang ireport ng Philippine Coast Guard (PCG) Sub-Station ang pagkakadiskubre sa bangkay ng isang menor de edad sa Sta. Ana Ferry Station.
Agad na rumesponde sa lugar si Pineda at saka ito isinailalim sa imbestigasyon.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, noong nakaraang araw ng Linggo, bandang 6:00 ng umaga nang magkayayaan umanong maligo sa ilog na sakop ng Bgy. Poblacion sa Makati City ang biktima at mga kasama nito.
Nawalan umano ng balanse at tuluyang nahulog ang biktima sa gitna ng paglalaro sa tabi ng nasabing ilog.
Tinangay ng malakas na alon ang menor de edad, kaya agad umano humingi ng tulong sa Makati Police Station ang mga kasama nito at sa PCG, na mabilis namang nagsagawa ng retrieval operation, subalit bigo silang mahanap ang biktima.
Disyembre 7, nang maireport ng nasabing sub-station ng PCG ang pagkakadiskubre sa lumutang na bangkay habang nagpapatrolya sa pangunguna ni CG/ PO1 Leandro De Jesus saka nila ito ipinagbigay alam sa MPD Headquarters.
Dinala ang labi ng biktima sa Body and Light Funeral Morgue at kinumpirma ng ina na ito ang nawawalang anak.
Dahil dito, masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng Children and Women Protection Unit ng Makati Police Station kung sino ang dapat managot sa insidente.