
Dalagita tumalon sa ika-9 na palapag sa Tondo
MASUSING imbestigasyon ang isinasagawa ng Manila Police District (MPD) kung ano ang nag-udyok para magpakamatay ang isang 13-anyos na dalagita, makaraang tumalon mula sa ika-9 na palapag ng gusali sa Tondo, Maynila, Lunes ng tanghali.
Ang biktima ay isang menor de edad at isang Grade 8 student sa Timoteo Paez High School at residente ng Urban Deca Homes sa Vitas, Tondo.
Base sa ulat na isinumiti nina Det. Dennis Suba, Det. John Teody Siguen, at Det. Christian Joseph Pineda kay MPD-Homicide chief P/Lt. Adonis Aguila, bandang alas-3:15 ng hapon nang makatanggap ng tawag sa telepono mula sa MPD-Station 1 , hinggil sa dalagita na umano’y tumalon mula sa ika-9 na palapag ng Urban Deca Homes.
Lumitaw sa initial na pagsisiyasat ng pulisya, huling nakitang buhay ang dalagita ng bandang alas-12:00 ng tanghali nang iwan ito ng kanyang ama na di-umano’y natutulog muna sa kuwarto dahil sa papasok na naman ito sa trabaho.
Isang saksi na si Dioscoro Gajimo na nagde-deliver ng mineral water sa lugar ang nakarinig ng malakas na kalabog at nang tignan nito nakita nito ang isang babae na padapang naka-handusay at naliligo sa sariling dugo.
Agad naman umano nitong ipinagbigay alam sa security guard na nakatalaga sa Urban Deca Homes at agad niya itong isinama ang isang doktor na naninirahan din sa naturang gusali pero hindi na rin ito naisalba.
Gayunman, agad namang dumating ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Cennon Vargas Jr., Station Commander ng MPD-Station 1 at kinordon nila ang area saka nila ito itinawag sa Homicide Section.
Ang bangkay ng dalagita ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya. Jon-jon Reyes at C.J Aliño