Dalagita nailigtas sa tangkang pagtalon sa footbridge
NASAGIP ng mga awtoridad ang dalagita na nagtangkang “magpatiwakal” sa pamamagitan ng pagtalon sa footbridge sa Quezon City, Biyernes ng madaling araw.
Sa report ng Masambong Police Station (PS) 2, ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 2:25 ng madaling araw (Enero 13), nang maganap ang insidente sa footbridge sa kanto ng Quezon Ave., at EDSA footbridge sa harapan ng gusali ng DILG-NAPOLCOM.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Haru Gil Manzano ng PS 2, namataan umano ni Zaldy Mabugay Duzon, staff ng “Task Force Disiplina,” ang dalagita na nasa 16- 17, at may taas na 5’3 na nakaupo sa ibabaw ng footbridge.
Dahil dito ipinagbigay ang alam ni Duzon ang insidente sa mga operatiba ng PS 2 at agad na nagresponde sina PCapt. Geronimo Caparas III, PSSgt. Elvin Basas, PSSgt. Junno Castillo, at PCpl. Ryan Rosales, PCpl. Kenneth De Belen, PCpl. Simeon Cabasag, at PCpl. Sean Walter Trinidad.
Nang makita ang dalagita na tila nagtatangkang tumalon ay nakipag-negosasyon ang mga pulis at matapos na makumbinsi ay maagap na nasagip ang biktima.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga pulis ang dalagita pero hindi ito nagbigay ng anumang detalye kung ano ang dahilan ng kaniyang tangkang pagtalon sa footbridge.