Dalagang estudyante ‘nagbigti’
MASUSING iniimbestigahan ng mga awtoridad ang dahilan ng “pagtitiwakal” umano ang isang 22-anyos na estudyante, makaraang madiskubreng nakatali ang leeg gamit ang kulay dilaw na nylon cord sa tinutuluyan nito sa Taft Avenue, Malate, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Dahil dito, matapos rumesponde ang mga tauhan ng Malate Police Station 9, agad na kinordon ang area saka ito itinawag sa tanggapan ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section at si Det. John Paul Rojo ang agad na nagtungo sa crime scene, kasunod ang mga tauhan ng Forensic Unit.
Ayon sa ulat ni Rojo, may hawak ng kaso, bago natagpuang patay ang dalaga, sinubukan muna itong tawagan sa cellphone subalit hindi umano ito tumutugon kaya minabuti ng mga kaibigan nito na puntahan ito sa tahanan nito sa Sta. ana, Maynila subalit na mistulang wala doon ang biktima hanggang makita itong nakabitin sa ikatlong palapag ng isang gusali.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente habang hinihintay ang resulta ng awtopsiya.