
Dalagang cashier nagtago ng P1K sa cover ng cp, huli
CUYAPO, Nueva Ecija – Kalaboso ang isang 38-anyos na babaeng cashier matapos mahuli sa bitag ng mga undercover na pulis na nang-umit ng P1,000 sa isinagawang operasyon sa loob ng Samgyupsal restaurant noong Biyernes dito.
Sinabi ni Lt. Col. Erwin V. Ferry, pinuno ng pulisya dito, na ang operasyon ay bunsod ng reklamo ni Jessica Velasco, 31, may-ari ng Weena Samgyupsal House, na naghinala na ang kanyang cashier ay nagnanakaw umano ng pera mula sa araw-araw na benta ng kanyang negosyo.
Ang suspek, isang dalaga, ng Corpuz Street, Bgy. District 6, ay inaresto matapos magpanggap na kostumer ang isang undercover na pulis at kumain at bumili ng Korean goods sa restaurant.
Binigyan ng pulis ang suspek ng P15,000 marked money bilang bayad at inilagay ng huli ang pera sa cash box ngunit itinago nito umano ang P1,000 bill sa loob ng plastic cover ng kanyang mobile phone.
Matapos magsagawa ng paghahalughog, nabisto ang ginawa ng suspek nang makuha sa kanyang cellphone ang P1,000 marked money.
Inihahanda na ang kasong pagnanakaw para sa inquest-filing laban sa suspek sa provincial prosecutor’s office sa Cabanatuan City.