QCPD

Dalaga,19, sinaksak, nakitang naaagnas

September 6, 2022 Melnie Ragasa-limena 454 views

NATAGPUAN ang naagnas na bangkay ng 19-anyos na dalaga na pinaniniwalaang napatay sa saksak ng kaniyang boyfriend, sa nirerentahan nitong unit sa Quezon City, Martes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Daisy Rose Recla Pascual, 19, dalaga, customer care assistant, tubong Davao at nangupahan sa 253 Atherton St., Phase 8, Brgy. North Fairview, sa lungsod.

Agad naaresto ang kaniyang boyfriend na si Aivan Kim Blanco Balate, binata, walang trabaho, tubong Davao, at naninirahan sa Milenyo Covered Court, Phase 8, Brgy. North Fairview, QC.

Sa report ng Fairview Police Station (PS-5), ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 7:23 p.m. (September 5) nang matagpuan ang halos naaagnas nang bangkay ng biktima sa loob ng kaniyang unit sa nasabing barangay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Alexiss Mace L Jurado, inutusan ng landlord na si Julie Gonato ang kaniyang caretaker na si Feli Pepe, na sirain ang padlock ng gate ng 2nd floor at buksan ang inuupahang silid ng biktima kung saan nagmumula ang masansang na amoy.

Nang mabuksan ang pintuan ay sumalubong kay Pepe ang mas lalong lumakas na masansang na amoy at doon nakita ang bangkay ng dalaga na halos naaagnas na.

Inireport ng landlord at ng caretaker ang insidente sa kanilang mga barangay officials, na agad namang inireport sa himpilan ng pulisya.

Sa pulisya, tikom ang bibig ng suspek at walang ibinigay na detalye. Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima ng kaniyang landlord noong gabi ng Agosto 31.

Batay sa ginawang pagsisiyasat ng SOCO Team QCPD Forensic Unit sa pamumuno ni PCaptain Eric Angay-Angay, may ilang araw nang patay ang biktima na nakitaan ng mga saksak ng patalim sa katawan. Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.