Default Thumbnail

Dalaga tumalon mula 3rd floor, tigok

March 26, 2023 Edd Reyes 218 views

ISANG dalagang call center agent ang namatay matapos tumalon mula sa ikatlong palapag ng tinutuluyang tirahan 1:45 p.m. ng Sabado sa Navotas City.

Isinugod pa ng kanyang mga kaanak at opisyal ng barangay sa Tondo Medical Center ngunit hindi na naisalba ang biktima.

Sa ulat ni Acting Police Chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., naganap ang insidente sa tinitirhan ng pamilya ng biktima sa Brgy. San Rafael Village at nai-report sa kanila ng dakong alas-5 ng hapon makaraang bawian ng buhay ang dalaga ng alas-4:32 ng hapon.

Lumabas sa imbestigasyon ni Navotas police homicide investigator P/SSgt. Reysie Peñaranda na kasama ng biktima sa silid sa ikalawang palapag ang kapatid na babae nang bigla na lamang lumabas at nagtatakbo paakyat sa ikatlong palapag at tumalon.

Bagama’t wala namang iniwang suicide note ang dalaga, napag-alaman ni Sgt. Peñaranda sa panayam na dumaranas umano ng matinding depresyon ang dalaga bunga ng kinakaharap na problema sa malaking gastusin bilang breadwinner, bukod pa sa pagkaputol na ng kanilang relasyon ng kasintahan.

Lumagda naman sa isang waiver ang pamilya ng biktima upang igiit ang kawalan na nila ng interes na ipagpatuloy pa ng pulisya ang imbestigasyon at upang hindi na rin maisailalim pa sa autopsiya ang bangkay ng dalaga.

AUTHOR PROFILE