Default Thumbnail

Dalaga binigkas ang kanyang ‘gunman’ bago madedo

January 19, 2023 Melnie Ragasa-limena 265 views

NAKILALA ng biktima ang suspek na bumaril sa kanya bago ito bawian ng buhay sa isang ospital sa Quezon City, ayon sa ulat Miyerkules, Enero 18, 2023.

Ang biktima ay 22-anyos na dalaga, at residente ng Barangay Culiat, Quezon City.

Bago namatay, binanggit ng biktima ang isang 19-anyos na lalaki, binata, at nakatira sa Bgy. 73, Caloocan City, na siyang bumaril umano sa kaniya.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 1:30 ng madaling araw (Enero 9), nang maganap ang insidente sa eskinita sa Ilalim ng Tulay, sa Bgy. Unang Sigaw, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Rhic Roldan L. Pittong ng CIDU, nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga tanod ng Bgy. Unang Sigaw sa lugar, ay agad itong rumesponde.

Inabutan na lamang nila ang dalaga na duguan nang nakahandusay kaya agad na dinala sa Quezon City General Hospital kung saan ito ilang araw na inobserbahan sanhi ng maraming tinamong bala ng ‘di pa batid na kalibre sa katawan.

Nabatid na bago bawian ng buhay ang biktima ay sinabi nito ang pangalan ng suspek na bumaril sa kanya noong Enero 17, bandang 3:36 ng madaling araw.

Agad namang nagkasa ng operasyon ang mga awtoridad at inaresto ang suspek.

Nahaharap sa kasong murder ang suspek, pero tumanggi naman itong magbigay ng anumang detalye sa motibo ng pamamaril sa dalaga.

Patuloy pa rin silang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon para matukoy ang dahilan sa pamamaril.