Dahilan ng pagkamatay ni Keith Martin, inilabas ng QCPD
INIHAYAG ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Remus B. Medina, ang nakasaad sa inilabas na Death Certificate na “Acute Myocardial Infarction” ang naging dahilan sa pagkamatay ng Amerikanong singer/songwriter na nagpasikat sa kantang “Because of You” na natagpuang wala nang buhay sa Lafayette Condominium, Bgy. Bagumbayan, Quezon City.
Batay sa inisyal na ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong alas-9 ng umaga noong Marso 20, 2022 huling nakitang buhay si Keith Martin, 57 taong gulang, isang Amerikano, nakatira sa nasabing condominium, ng maintenance personnel matapos nitong ayusin ang water leakage sa loob ng unit ng biktima.
Dakong 10:46 a.m. ng Marso 25, 2022, nang maamoy ng nakatira sa kabilang condo unit ang masangsang na amoy na nanggagaling sa tirahan ng yumaong singer.
Kaagad itong ipinagbigay-alam sa manager ng nasabing condominium na si Christine Lleno.
Kinatok ni Lleno ang pintuan ni Keith subalit hindi ito tumugon kaya’t nagpasya na silang buksan ang nasabing unit ng singer at tumambad sa kanila ang nakahandusay at wala nang buhay niyang katawan.
Samantala, noong Marso 25, 2022, ang saksing si Diana Dayao (dating live-in partner ni Keith) ay personal na nagpunta sa tanggapan ng CIDU upang magbigay ng sinumpaang pahayag.
Sinabi ni Dayao na dinalaw pa ng yumaong singer ang kanilang anak noong Pebrero 21, 2022. Subalit noong Marso 12, 2022 ay nagpahiwatig si Keith kay Dayao ng pananakit ng tiyan at hindi maganda ang pakiramdam.
Ang embahada ng Estados Unidos, Manila ay nasabihan na sa insidente samantalang ang kapatid ng yumao na si Veronica Martin ay binigyang pahintulot si Diana Dayao na irepresenta ang naulilang pamilya.
Batay sa death certificate, Atherosclerotic Coronary Artery Disease o bara sa ugat ng puso na naging sanhi ng acute myocardial infarction o atake sa puso ang naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
“I want to express my sincere condolences to the family of the deceased for their loss. I also want to thank the people who immediately reported the matter upon discovery thereof. The case would not have been immediately acted upon without them. Muli, ang aming pakikiramay sa mga naulila,” ani PBGen. Medina.