
Dahil sa paglahok sa pulitika, apat na endorsement, mga TV shows mawawala kay Luis


NAKAUSAP namin ang nangunguna at award winning TV host at endorser na si Luis Manzano sa unang araw ng Barako Fest 2025 sa Lipa City sa Batangas. It’s all over town na kumakandidato ngayon si Luis bilang vice governor ng lalawigan ng Batangas, ka-tandem ng kanyang ina, ang award winning actress na si Vilma Santos na babalik kung papalarin bilang gobernadora ng lalawigan.
Ayon kay Luis, dahil sa kagustuhan niyang makapaglingkod sa Batangas, apat na endorsements niya ang hindi na nag-renew ng kontrata.
Mabilis at diretsahang sinabi ni Luis sa amin nang tanungin namin tungkol sa hard part ng pagiging politician na may mga brands at kumpanya na nagdesisyong huwag na muna siyang papirmahin ng bagong kontrata dahil sa pagtakbo niyang vice-governor ng Batangas.
Tanggap at naiintindihan naman daw niya na may mga kompanyang umiiwas sa pagkakaroon ng ng anumang koneksyon sa politika.
“To be honest, Kuya Eugene, lahat naman tayo matatanda na sa industriyang ito, sa katunayan marami sa mga endorsements ko ang hindi na nag-renew. Agad-agad nu’ng mag-file (ng COC), isa yun sa sinabi ni Gov. Vi, one time yun, kumakain kami that time.
“Sabi ni Gov. Vi, ‘Anak, alam na alam ko ang industriyang ito (kapag pumasok ka sa politika), sa maniwala ka o sa hindi, kahit ang endorsements mo mawawala. Sa katunayan sa tatlo o apat na endorsements ko, ang nag-pull out na,” pagkumpirma ni Luis.
Nanghihinayang man dahil apektado ang kanyang kabuhayan, lalo pa’t may sarili na siyang pamilya, wala raw siyang magagawa kundi tanggapin ang katotohanang may mga advantage at disadvantage ang pagsabak niya sa public service.
“Sabi ko, naiintindihan ko naman yun, pero yung income ko tatamaan talaga. Sabi nga ni Gov. Vi, which is ramdam ko sa start pa lang, sabi niya, ‘Anak, mabawasan ka man ng commercial, ng endorsements, e, masarap naman ang tulog mo dahil marami ka namang natutulungan na tao,'” ang punto pa ng panganay ni Ate Vi.
Hindi na binanggit pa ni Luis kung anu-anong brand o produkto ang hindi na nag-renew ng kanyang kontrata pero abangan na lang natin kung anu-anong commercial na lang niya ang napapanood ngayon.
Sinabi rin ni Luis na nag-taping na raw siya para sa finale ng kanyang game show sa Kapamilya Network na “Rainbow Rumble” dahil nga nag-start na ang campaign period para sa May, 2025 elections.
Samantala, naglabas naman ng kanyang appreciation post si Luis para sa kanyang misis na si Jessy Mendiola sa pagsisimula ng kampanya para sa midterm elections.
Mensahe ni Lucky sa kanyang wifey, “Appreciation post for my Wowow @jessymendiola who has been with me every step of the way.”
“Ikot sa Batangas, work, kahit nagkasakit, may sakit, as parents kay Peanut and lahat lahat na.
“Thank you wowow, love you and lapit na anniv natin,” ang dagdag na pahayag pa ni Luis.
Ang reply naman sa kanya ng aktres, “100%, I will always be by your side no matter what. Laban lang tayo. I love you, Lucky!”
Kasama ang inang si Ate Vi at kapatid na si Ryan Christian Recto na tumatakbo namang kongresista sa 6th District ng Batangas binuksan nila ang taunang Barako Fest 2025 sa Lipa kahapon, February 13 na tatagal hanggang bukas, February 15. Kasamang nilibot ng mag-iina ang kahabaan ng bagong bukas na Manila-Batangas Bypass Road kung saan daan-daan ang nag-participate na mga negosyo mula sa iba’t ibang bahagi ng Batangas.
“The third edition of the Barako Festival, which opened here Thursday, is not just a celebration of Batangas province’s high-quality coffee variety.
“It also highlights the top products of each city and municipality and how they create jobs and boost the local economy.
“Hotels are fully booked. Restaurants are always full. It couldn’t get any better than this,” ang pahayag ni Bryan Diamante, ang president at chief executive officer ng Mentorque Productions, na siyang organizer ng naturang event sa naganap na presscon kahapon.