Dagsa mga reklamo vs Cable Link

June 23, 2022 Marlon Purification 45 views

Marlon PurificationDAGSA ang reklamong natatanggap natin hinggil sa serbisyo ng Cable Link and Holdings Corporation.

Mula kasi sa pangkaraniwang ‘cable network,’ nagpalit sila ng mala-ABS-CBN TV Plus o mala-GMA7 Affordabox.

Wala pang tiyak na tawag sa ‘tv box’ ng Cablelink.

Pero ang nakalagay sa box na isine-set up sa ating tahanan ay Cablelink Digital CATVSet TopBox.

Walang problema kung gusto magpaka-digital ng Cablelink dahil dapat naman talaga silang sumabay sa inobasyon ng makabagong teknolohiya.

Ang kaso, bigla nilang ipinagamit ito sa mga subscribers na labis naapektuhan ng palpak nilang serbisyo.

Kaya tuloy marami ngayon sa kanilang subscribers ang sumasakit ang ulo at hindi ma-enjoy ang paggamit nila ng cable.

May isang taga-Bgy. Don Bosco sa Better Living Subdivision, Paranaque City, ang akala niya iyong mamahaling SmartTV niya ang nasira dahil may ‘picture’ namang lumalabas pero walang audio o sound.

Pinalitan niya ito ng isa pang SmartTV.

Gumana ito ng isang araw at kinabukasan ay wala ulit ‘sound.’

Doon nila napagtanto na linya ng Cablelink Digibox ang may problema.

“Buti hindi namin agad dinala sa service center iyong TV kung hindi malaking problema,” sabi ng isang nagrereklamo.

May ilang nagsusumbong din ang nagsabing iyong ‘extention’ nila ng tv sa kabilang kuwarto ay hindi na binalikan ng mga ‘technician’ ng Cablelink. Itinuturo nila ang linya ng kable ng mga subscriber kaya raw hindi gumagana ang kanilang Digibox.

Ipagpalagay natin na ganito nga ang problema. Una, dapat binalikan agad ito ng mga technician.

Kung may problema man sa linya ng kable, dapat ay Cablilink mismo ang magpagawa nito. Kung ano mana ang magiging ‘damage’ sa gastos ay puwede naman nilang sabihin sa kanilang subscribers.

Hindi iyong dalawa sa tatlong linggo nang nakatiwangwang ay wala pa silang nagagawa.

Nananahimik kasi ang mga subscriber sa kanilang ordinaryong ‘cable,’ ay bigla nila itong binago nang wala man lang abiso.

Ang masaklap, yung monthly payment ay malamang sisingilin pa rin ng buo ng Cablelink and Holdings Corporation.

Sa ganang akin, kapag hindi ito inagapan ng Cablelink, hindi malayong mag-alisan ang kanilang mga subscribers at lumipat sa iba.

At hindi natin sila masisisi kasi kaya nga tayo nagbabayad ng buwanang obligasyon para makuha ang serbisyong dapat ibigay nila sa mga subscribers.

Sana magawan agad ito ng paraan ng Cablelink.