LTFRB

Dagdag-pasahe epektibo na sa Okt. 3 – LTFRB

September 20, 2022 Jun I. Legaspi 977 views

SA Oktubre 3, 2022, Lunes, magiging epektibo ang fare hike increases sa lahat ng public utility vehicles o PUVs.

Ang babala at abiso ay ginawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos mapabalita na mayroong mga traditional jeepney drivers ang nagtaas na ng pamasahe, matapos i-anunsyo ng ahensiya ang pagtaas ng singil sa mga pampublikong sasaskyan noong nakaraang Biyernes, Setyembre 16, 2022.

Sinabi din ng LTFRB na “hindi puwedeng” maningil ng fare increase ang mga PUV drivers at operators hangga’t walang pang nai-isyu sa kanila na fare matrix guide.

Ayon sa LTFRB ang sinumang drivers o operators na lumabag sa kautusan ay may kaukulang multa: 1st offense P5,000, 2nd offense P10,000, 3rd offense P15,000, at maaaring matanggalan ng prangkisa.

Sa inilabas na desisyon ng LTFRB, inaatasan ang bawat PUV operator at driver na maglagay ng updated na “fare matrix” o “fare guide” sa kanilang mga sasakyan na makikita agad ng kanilang pasahero.

Nauna namang sinabi ng LTFRB na naiintindihan nila na kailangang taasan ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Sa kabila niyan, kailangan pa ring sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensiya ang mga PUV driver at operator, alinsunod sa mga kundisyon ng kanilang “Certificate of Public Convenience” (CPC) at Joint Administrative Order 2014-01.

Dagdag pa ng ahensiya, kung may reklamo patungkol sa pagpapatupad ng fare increase sa mga pampublikong sasakyan, maaaring ipaabot ito sa kanilang LTFRB 24/7 Hotline: 1342 o magpadala ng mensahe sa LTFRB Official Facebook page o magtungo sa official website ng LTFRB.

AUTHOR PROFILE