Dagdag kita, dagdag oportunidad sa mga Pinoy
Sakaling maisabatas Tatak Pinoy:
MATAPOS mapabilang sa priority legislation ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., posibleng nalalapit na ang pagpasa sa Senado ng Tatak Pinoy (Proudly Filipino) bill na apat na taon nang isinusulong ni Senador Sonny Angara.
Ang naturang panukala, ayon sa senador, ay naglalayong palakasin ang iba’t ibang industriyang Pinoy at ang pambansang ekonomiya, at magbigay oportunidad at pataasin ang kita ng mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, ani Angara, isasailalim na sa plenary debate ang naturang panukalang batas, ang Senate Bill 2426.
Mababatid na sa kanyang sponsorship speech kamakailan kaugnay sa nasabing panukala, sinabi ni Angara na napapanahon na para sa malawakang hakbang na mas magpapalakas at magpapalago sa ekonomiya.
Isa sa mga estratehiyang ito, anang senador, ay ang kolaborasyon sa pagitan ng gobyerno at ng pribadong sektor.
“Para tuluyang umunlad ang ating ekonomiya, dapat magtulung-tulong ang lahat ng sektor ng lipunan. Kung nagkakaisa ang public at private sectors at may pagsisikap na tuparin ang layuning ito, sigurado, matutulungan natin ang mga industriyang Pilipino at lulusog din ang ekonomiya ng Pilipinas,” ayon kay Angara.
Isa aniya sa mga susi tungo sa tunay na pag-unlad ang pagpapalakas sa mga lokal na negosyo, maliit man o malaki ang mga ito. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng pagkakataon ang domestic enterprises na maging globally competitive, matutulungan din silang makalikha ng sophisticated products at magawang pang-world-class ang kanilang serbisyo.
Kung titingnan aniya ang mga ginawang hakbang ng ilang bansa na kabilang na sa malalakas na ekonomiya ngayon, ito ay dahil sa nagawa nilang makalikha ng mga mas sopistikado at complex products.
Naging masigasig din sila sa promosyon ng kanilang mga produkto hindi lamang sa sarili nilang bansa, kundi maging sa ibayong dagat.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Angara na hindi dapat nakukuntento na lang ang isang bansa sa kung ano ang kanilang mga nakasanayang produksyon. Mas mainam aniya kung makalilikha ng mga di pangkaraniwang produkto nang sa gayon ay mapalawak ang kanilang merkado.
Ayon pa kay Angara, isa rin sa mahahalagang aspeto ng Tatak Pinoy strategy ang marketing at branding ng mga produktong Pilipino. Ito ay para mas makilala at tangkilikin sila sa mga pamilihan at ng publiko. Mahalaga aniya na malaking suporta ang nakukuha ng mga produktong ito mula sa public at private sector.
“Kapag tinangkilik at sinuportahan kasi ng buong bansa ang mga industriyang sariling atin, magkakaroon ng mas maraming trabaho, mas mataas ang sahod, mas maraming negosyo at mas maganda ang kita, at mas maraming pagkakataon sa kanayunan para umasenso ang ating mga kababayan. Para sa amin, ang magsama-sama para suportahan ang mga Tatak Pinoy na industriya ay isa sa pinakamabisang paraan para gumanda at lalong umarangkada ang ating ekonomiya,” saad ni Angara.
“Ang Tatak Pinoy, hindi lang para magawa nating mas sopistikado at lumakas sa iba’t ibang panig ng globa ang ating mga produkto. Layunin din natin dito na maipagmalaki ng ating mga kababayan ang mga produktong Pinoy, at ang ating bansa saan mang panig ng daigdig sila naroon,” ayon pa sa senador.
Sakaling tuluyang maisabatas, naniniwala si Angara na malaking tulong ang Tatak Pinoy sa pagresolba ng matinding kahirapan, sa kawalan ng trabaho, sa rural to urban migration at sa mababang pasweldo, magiging daan upang lahat ay umunlad at marami pang iba.
“Ang pinakamahalagang punto ng panukala natin ay para maatasan ang mga ahensya ng gobyerno na makipagtulungan sa pribadong sektor. Ito ay para masiguro na magbubunga nang maganda ang kanilang pagkakaisa para sa kapakinabangan ng ating mga negosyo, at matulungan ang mga ito na mas mapagbuti ang kani-kanilang mga produkto. Sa pamamagitan nito, makikila ang mga produktong Pinoy, hindi lamang sa sarili nating bansa kundi maging sa ibayong dagat. Makakatulong ito upang mas marami tayong malikhang trabaho at kumita nang maganda ang mga kababayan natin,” ani Angara.