Dagdag ayuda sa trike drivers hiniling

March 20, 2022 People's Tonight 252 views

SA apat na milyong bilang ng tricycle drivers sa buong bansa, 113,000 lamang sa mga ito ang mabibigyang ayuda sa ilalim ng Pantawid Pasada na hindi sapat ayon sa TODA partylist.

Para kay TODA first nominee Rovin Feliciano, malaking tulong para sa mga tricycle drivers ang ayuda sa gasolina ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa tensyong nagaganap sa Ukraine.

Subalit mas mainam aniya kung mas madaragdagan ang bilang ng mabibiyayaan ng ayuda na matagal nang hinihiling ng sektor ng tatlong gulong.

“Matagal na ring iniinda ng ating mga kasamahaan sa tricycle operation ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina kaya mainam na maipamahagi na ang ayuda sa lalong madaling panahon at hiling namin na dagdagan pa ang bilang ng mabibiyayaan nito,” ayon kay Feliciano.

“Sa maliit na nilang kita bago pa sumipa ang presyo ng produktong petrolyo ay tuluyang naging katiting na lamang ang naiiuuwi ng tricycle drivers ngayon kaya panawagan namin sa pamahalaan ang agad na pamamahagi ng suporta para sa sektor ng tatlong gulong,” dagdag ni Feliciano.

Kasalukuyan ding nananawagan ang TODA partylist para sa suspensyon ng pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang bumaba ang presyo ng gasolinang kinokonsumo ng mga Pilipinong ang ikinabubuhay ay nasa linya ng pamamasada.

Bilang boses ng mga Pilipinong nasa linya ng operasyon ng traysikel, isinusulong din ng TODA partylist ang muling pagpapatupad ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF) upang masigurong hindi lubos na naaapektuhan ang sektor ng transportasyon sa biglaang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo.

AUTHOR PROFILE