Bong Go

Cybersecurity palakasin vs ransomware attack

October 6, 2023 People's Tonight 369 views

Bong Go sa gov’t agencies

NANAWAGAN si Senador Christopher “Bong” Go sa mga ahensiya ng gobyerno, partikular na sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palakasin ang kanilang cybersecurity defenses sa gitna ng ransomware attack na humantong sa pagkakalantad ng mga sensitibong data.

Sinabi ni Go na ang proteksyon ng data at ang pagpapatuloy ng mga serbisyo, lalo na sa mga kapus-palad, ay dapat na pinakamahalagang prayoridad.

“Unang-una, hindi tayo pwedeng maging kampante. Ang bawat detalye ng impormasyon ay mahalaga, at ang bawat segundo ng pagkaantala ng serbisyo ay maaaring magdulot ng malaking problema sa ating mga kababayan na nangangailangan,” sabi ni Go.

Hinimok ni Go, chairperson ng committee on health, ang PhilHealth na gumawa ng agarang mahigpit na hakbang.

“Dapat ay mayroon tayong preventive measures na hindi na mauulit ang ganitong pangyayari. Kailangan nating palakasin ang ating cybersecurity defenses,” idinagdag ng senador.

Binigyang-diin dng senador ang kahalagahan ng pagtiyak na hindi matitigil ang serbisyo ng PhilHealth, lalo na sa mga mahihirap.

“Karamihan sa ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap, ay umaasa sa PhilHealth para sa kanilang pangangailangan sa ospital. Dapat ay walang maantala sa serbisyong ito,” idiniin niya.

Ayon sa mga ulat, inilantad ng mga hacker ang mga identification card, mga detalye ng payroll, at iba pang sensitibong impormasyon ng mga empleyado ng PhilHealth.

Ang ransomware attack na gumamit ng Medusa ransomware, ay humihingi ng ransom na $300,000 o humigit-kumulang P17 milyon mula sa ahensya.

Kinumpirma ng PhilHealth na ang user data, kabilang ang mga pangalan, address, at numero ng pagkakakilanlan, ay nakompromiso.

Tinutukoy pa rin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng National Privacy Commission ang lawak ng nakompromisong data.

Nanawagan si Go ng proper support upang mabawasan ang mga panganib ng identity theft at cyberattacks.

“Hindi lamang ang PhilHealth ang nasa peligro dito, kundi pati na rin ang bawat miyembro nito. Kailangan ng suporta mula sa DICT at National Privacy Commission para sa masusing imbestigasyon,” ipinunto ng mambabatas.

Aniya, ang cybersecurity ay hindi lamang responsibilidad ng PhilHealth o ng gobyerno, bagkus ay responsibilidad ng lahat kaya kailangan ng kooperasyon para masiguro ang ligtas na paggamit ng digital platforms.

AUTHOR PROFILE