Cyber libel ikinasa ni Pacquiao vs fake news

August 4, 2021 People's Tonight 127 views

SA kasagsagan ng kaniyang pagsasanay sa nalalapit na laban kontra sa American welterweight champion na si Errol Spence Jr., nahaharap din sa giyera kontra social media trolls si eight-time world division boxing champ Senator Manny Pacquiao.

Ito ay sa gitna ng pagkalat ng mga fake news laban sa senador hinggil sa umano’y ma-anomalyang multibillion-peso sports complex project sa Sarangani.

Ani Pacquiao, determinado siyang mapanagot ang mga socmed trolls na nasa likod ng pagpapakalat ng kasinungalingan laban sa kaniya.

Umaasa si Pacman na magsisilbing halimbawa sa bawat Pilipino upang tumayo laban sa iresponsable at walang ingat na paggamit ng social media.

“Many of these SocMed trolls are making a lot of money at the expense of honest and hard-working citizens. I’ll make it my mission to stop them at all cost,” ani Pacquiao.

Sa pamamagitan ng kaniyang legal team mula sa Cuison, Daguinod, Mendoza-Martelino Law office, hiningi ni Pacquiao ang tulong ng PNP Anti-Cyber Crime Group upang matukoy ang owners at administrators ng 27 fake news sites na tumulong sa pagpapalabas at pagpapakalat ng fake news na nag-ugnay sa kaniya sa umano’y P3.5 bilyong korapsyon sa konstruksyon ng Sarangani Sports Complex.

Ang aksyon na ito ni Pacquiao ay nag-ugat sa social media post na nagtuturo sa senador bilang nasa likod diumano ng napabayaang Sarangani Sports Complex.

Ang social media post ay agad na ikinalat at pinag-usapan ng daan-daang social media trolls.

“For the benefit of the public, I would like to remind everyone the Senate is part of the legislative branch of government. Their role is primarily to create bills and resolutions which may become laws later on. It is because of this that the senator being a strong advocate for sports development proposed the creation of a world class sports complex in Sarangani to further develop athletes in the region. He proposed this in 2018 and it was signed into law by President Rodrigo Duterte on February 22, 2019,” Ani lawyer Atty. Pelagio Lawrence Cuison.

Paliwanag ni Cuison, ang P3.5 bilyon na sinasabing budget para sa Sarangani Sports Complex ay inilaang budget sa konstruksyon ng Philippine Sports and Training Center na layong itayo sa Bataan sa bisa ng Republic Act 11214 (Philippine Sports Training Center Act).

Paglilinaw ng abogado, ang konstruksyon ng Sarangani Sports Complex ay naging posible nang dahil sa enactment ng Republic 11224 (An Act Establishing the Sarangani Sports Training Center) na iniakda ni Pacquiao ngunit hindi pa ito nabigyan ng alokasyon dahil sa COVID-19 Response.

AUTHOR PROFILE