Default Thumbnail

CWC kinondena pagkamatay ng 3-anyos na bata!

October 5, 2023 Marlon Purification 309 views

Marlon PurificationKINONDENA ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang malagim na pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na batang babae sa kamay diumano ng kanyang kapitbahay sa Sultan Kudarat.

Panawagan ng CWC, ang mga bata ay dapat mahalin, kalingain at protektahan sa pang-aabuso at sa pagsasamantala.

Ang CWC, bilang pambansang ahensiya ng pamahalaan na nagtataguyod ng karapatan ng bawat batang Pilipino, ay masigasig na nagbabantay at gumagawa ng mga hakbang upang tuluyan nang matigil ang karahasan sa mga bata.

Anila, maaaring sumangguni at dumulog sa MAKABATA HELPLINE 1383 ang sinumang may nalalaman hinggil sa pang-aabuso sa kabaitan.

Ang kanilang mga social worker at abogado ay handang tumulong at tumugon sa anumang isyung pambata, kasama na ang pang-aabuso at karahasan, maging ito man ay sekswal, pisikal at sikolohikal.

Mistaken Identity

Mismong korte na ang naghatol na isang biktima nga ng “mistaken identity” ang isang matandang Muslim na ipinagtanggol ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.

Dahil dito, “granted” ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branches 271 at 153 ang mga motion to dismiss at motion to release para kay Mohammad Maca-Antal Said, 62.

Kinasuhan si Said ng frustrated murder sa Taguig RTC Branch 271 at murder and frustrated murder sa Taguig RTC Branch 153.

Nguni’t hindi pa agad makalaya si Said dahil may dalawa pang pagdinig sa kaso sa iba’t ibang korte na nakatakda sa mga darating na linggo.

Noong Setyembre, iginiit ni Padilla ang hustisya para kay “Tatay Mohammad” na inaresto noong Agosto dahil kapangalan ang isang taong sangkot sa maraming karumal-dumal na krimen.

“Ang kaso po ng mistaken identity ay hindi makatwiran, hindi makatarungan at hindi makatao. Hindi na po ito katanggap-tanggap lalo na sa panahon na bumubuhos ang technology at innovation. Kung nais nating ibalik ang buong tiwala ng publiko at patatagin ang pundasyon ng isang makatarungang lipunan, wala na pong Pilipino ang matutulad sa kapalarang sinapit ni Tatay Mohammad,” aniya.

“Ang pinakamahalagang punto po ay ang pagsusuri ng ating mga sistema at polisiya para sa ating mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pagbibigay ng tumpak na kritikal na impormasyon sa paghuli sa mga aktwal na kriminal,” dagdag niya.