Crew ng tindahan ng lechon manok, dedo matapos manghabol ng taga

September 1, 2022 Edd Reyes 204 views

BINARIL at napatay ng pulisya ang 22-anyos na lalaking nanghalihaw ng taga habang nag-aamok Huwebes ng madaling araw sa Parañaque City.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/Col. Kirby John Kraft, unang nirespondehan ng mga barangay tanod ng Bgy. Baclaran ang ginagawang pagwawala ng suspek na isa umanong store crew ng isang tindahan ng lechon manok matapos na humingi sa kanila ng tulong ang mga hinabol ng taga ng suspek dakong alas 12:50 ng madaling araw sa Taft Avenue Ext. sa hindi pa batid na dahilan.

Gayunman, maging ang mga tanod ay hinabol din ng taga ng suspek, hawak ang malaking kutsilyong ginagamit na pantaga ng manok, kaya’t humingi na sila ng tulong sa Baclaran Police Sub-Station na kaagad namang nagresponde sa lugar.

Inabutan pa nina P/Lt. Mytor Santos at P/Cpl. Golden Pagarigan ang suspek na tinataga pati ang mga nagdaraang pampasaherong jeep kaya’t nag-warning shot sila upang pasukuin ng matiwasay ang suspek.

Sa halip na sumuko, patuloy sa panghahabol ang suspek hanggang sa makarating sa malapit sa LRT Station at dito niya nakorner ang isa sa mga hinahabol na biktima na dumadaan lang sa lugar at kaagad na tinaga sa bahagi ng pisngi.

Nang bumagsak ang tinagang biktima, nilapitan at muli sana siyang tatagain ng nag-aamok na suspek kaya’t napilitan na si Lt. Santos na barilin ang suspek upang mapigilan ang tangkang pagpatay sa biktima.

Isinugod kaagad ng pulisya ang suspek at ang biktima sa Ospital ng Parañaque kung saan idineklarang patay na sanhi ng tama ng bala sa katawan ang suspek habang nasa ligtas ng kalagayan ang biktima matapos gamutin ang kanyang tinamong sugat.

AUTHOR PROFILE