Default Thumbnail

Crew ng BRP Antonio Luna, sasailalim sa damage control training

January 19, 2023 Zaida I. Delos Reyes 223 views

BILANG bahagi ng layunin ng Philippine Navy (PN) na lalo pang pataasin at dagdagan ang antas ng kakayanan at kaalaman ng kanilang mga tauhan, opisyal, at crew members ng missile frigate BRP Antonio Luna (FF-151), sumailalim ang mga ito sa damage control personnel qualification standards (DCPQS) class upang pataasin ang kanilang kapasidad sa pagtugon sa oras ng krisis habang sila ay nasa barko.

Sa Facebook post ng BRP Antonio Luna nitong Miyerkules ng gabi, nakasaad na ito ang kanilang unang aktibidad sa 2023.

Ang klase ay binubuo 20 estudyante na kinabibilangan ng apat na opisyal at 16 na enlisted personnel.

“First of this year, BRP Antonio Luna convenes the DCPQS Class 03-2023 composed of 20 students (four officers, 16 enlisted personnel) on 16 January 2023,” saad sa post.

Ayon pa sa post, ito ang kauna-unahang DCQPS class para sa crew members ng missile frigate ngayong taon kung saan tuturuan sila ng mga tamang gawin sa mga emergency situation tulad ng sunog o pagbaha.

“Damage control plays an integral part aboard ship, and is a mandatory requirement to every personnel to uphold a high level of competency in keeping the ship’s integrity whether in port or at sea,” dagdag pa sa post.

Ang BRP Antonio Luna at ang BRP Jose Rizal (FF-150) ay pawang mga “modern warship” na may kakayanan para sa surface, sub-surface, air and electronic warfare gamit ang state-of-the-art electronic sensors, long-range missiles, acoustic guided torpedoes, at anti-submarine helicopters.

Ang BRP Jose Rizal ay inihatid sa bansa noong May 2020 at kinomisyon noong Hulyo sa parehong taon habang ang BRP Antonio Luna ay kinomisyon Marso 19, 2021.

Ang kontrata para sa dalawang barko ag aabot sa P16 bilyon at P2-bilyon naman ang halaga ng kanilang weapon systems at munitions.