BBM3 Source: Bongbong Marcos FB page

CREATE MORE malaking tulong sa ekonomiya

November 11, 2024 PS Jun M. Sarmiento 154 views

SINABI ni Sen. Win Gatchalian na ang pagsasabatas ng CREATE MORE inaasahang magbibigay ng malaking epekto sa kaunlarang pang-ekonomiya ng bansa.

“Kasabay ng mas maraming foreign direct investment na inaasahang papasok dahil sa CREATE MORE, mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng mas magandang oportunidad sa trabaho na siya namang magpapalakas sa domestic consumption, isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng lokal na ekonomiya,” sabi ni Gatchalian.

Ang pahayag ni Gatchalian kasunod ng paglagda ng Pangulo sa panukalang batas na nag-aamyenda sa ilang probisyon ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Ayon kay Gatchalian, ang mas maraming insentibo sa ilalim ng CREATE MORE inaasahang magpapalakas sa competitiveness ng bansa sa pag-akit ng mga dayuhang mamumuhunan.

Bukod dyan, ang batas nagpapakilala din ng isang nakapirming 2% Registered Business Enterprise Local Tax (RBELT) batay sa kabuuang kita upang pasimplehin ang proseso ng pagbubuwis para sa mga negosyo.

“Kapag ang mga negosyong nahihikayat natin na mamuhunan sa ating bansa ay yumayabong, nagreresulta ito sa mas magandang kalidad ng buhay, mas abot-kayang halaga ng pamumuhay, at mas maayos na imprastraktura para sa lahat ng Pilipino,” aniya.

“Sa pamamagitan ng CREATE MORE, ang mga proyekto at aktibidad na may malaking pakinabang sa ating bansa– tulad ng mga food security-related activities, green ecosystems, health-related activities, at defense-related activities–mabibigyan ng suporta at insentibo.

Kapag ang mga sektor na ito ay umunlad, tiyak na magbubunga ito ng mga positibong pagbabago sa ating mga komunidad.

Mula sa pagbaba ng presyo ng mga produkto hanggang sa paglikha ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan, makikita natin ang positibong epekto ng CREATE MORE sa ating pang-araw-araw na buhay,” dagdag niya.