Default Thumbnail

Crackdown sa Edsa busway

June 19, 2023 People's Tonight 123 views

Allan EncarnacionLet’s move on, tigilan na natin ang hindi produktibong pag-aaway sa Eat Bulaga.

Hayaan na natin silang manahimik sa kani-kanilang napuntahang bakuran. TV5 man yan o GMA 7, ang importante ay ang peaceful co-existence.

Ang benepisyo lang ng paglalabanan nila ngayon ay nagkaroon ng bagong show na parehong kailangan ng manpower kaya marami ang nagkaroon ng trabaho.

Tigilan na rin dapat ng mga hosts and Tape management ang iringan at pagsasalita ng masasama laban sa isa’t isa.

Katulad din yan ng mag-asawa na dumating sa puntong hiwalayan na dahil napuno na sila sa isa’t isa.

Para kay misis, huwag mo nang ipagkalat sa publiko na mabaho ang hininga ni mister. Para naman kay mister, huwag mo nang ipagsabi ang anumang hindi mo nagustuhan kay misis.

Bawal ang kiss and tell dahil kahit anong sabihin nyong pangit laban sa isa’t isa ay bumalandra rin sa inyo.

Gaya rin ng Tape at TVJ, hindi magandang nagpapalitan kayo ng masasamang salita, lalo na’t kung iisipin nyo, pareho kayong nakinabang sa Eat Bulaga. Mahigit apat na dekada nyong binuhay ang inyong mga pamilya sa dugo, pawis at kita ng show. Baka nga sa tagal ng inyong pagsasama, “nagkasiping” na rin kayo sa maraming pagkakataon, kumain kayo sa iisang plato, nagsama kayo sa iisang bubong na parang mag-asawa.

Tiyak rin na sa binyag ng mga anak nyo ay nagpalitan pa kayo ng pagnininong at tiyak na marami na rin kayong dusa at ginhawang pinagsamahan.

Move on, the show must go on, tama na ang mga parinig dahil maraming kabataan ang humuhugot ng inspirasyon sa inyo.

***

Marami pa rin ang mga dumadaan na unauthrorized vehicles sa busway sa Edsa.

Madalas, kaming mga masunurin sa kalsada ay nainggit sa mga pasaway dahil nakakadaan sila sa busway na inilaan lamang para sa mga public bus at mga emergency responders gaya ng pulis, ambulansiya, bumbero at mga totoong emergency.

Marami tayonng nakikitang barangay at mga local ambulance na gumagamit ng busway kahit wala namang sakay na pasyente. Kahit mga barangay vehicle lang na nilagyan ng wangwang ay nakakadaan!

Iyong mga motor, sila ang mga talamak sa paggamit ng busway kaya dapat magkaroon ng totohanang crackdown sa mga illegal na gumagamit ng busway.

Dapat din may mga sumisita sa mga ambulansiyang nakikiraan lang. Hindi naman siguro makakaabala na kahit ambulansiyang walang tigil sa pagwangwang ay randomly parahin saglit ng mga MMDA enforcers para makita natin kung lehitimo ang paggamit nila ng busway.

Palaglapasin agad kapag nakitang may pasyente, lalo na kung emergency pero kapag bogus, pahigian natin sa stretcher ang driver sabay sapok para totoong emergency!

Kung minsan, habang naiipit kami sa traffic sa Edsa, bigla kang uungusan ng mga pribadong sasakyan dahil biglang gumamit ng busway, lalo na iyong mga sasakyan ng ibang pulitiko. Tulo-laway namin sa inggit pero kailangan naming magtiis.

Kapag hindi nasakote ang mga pasaway na ito, baka maubos na rin kaming mga masunurin!

[email protected]

AUTHOR PROFILE