Default Thumbnail

CPP inamin pagkamatay ng mga Tiamzon

April 20, 2023 Paul M. Gutierrez 275 views

Paul“SAAN” na kaya patungo ngayon ang kilusang komunista sa Pilipinas (CPP—NPA-NDF) matapos aminin ng CPP na patay na nga talaga si CPP chairman Benito Tiamzon at ang kanyang asawa na si Wilma Tiamzon, CPP secretary general?

Sa kalatas na inilabas kahapon ng CPP Information Bureau, hindi naman tayo nagtataka na pinasubalian nila ang bersyon ng militar na napatay ang mga Tiamzon at kanilang mga kasamahan (Catbalogan 10) sa isang sagupaan sa karagatan ng Catbalogan noong gabi ng Agosto 21, 2022. Ayon sa bersyon ng militar, “sumabog” ang sinasakyang bangka ng mga Tiamzon sa nangyaring “habulan” at “lasog-lasog” na ang mga nakuha nilang walong bangkay kung saan hindi matiyak na kasama sa mga ito ang mga Tiamzon.

Sa bersyon naman ng CPP, malaking “drama” ang bersyon ng gobyerno dahil nahuli umano sa isang checkpoint ang mga Tiamzon at mga kasamahan nito habang sakay ng dalawang ‘van’ sa isang lugar sa Catbalogan.

Matinding pahirap umano ang dinanas ng grupo at ang kanilang mga bangkay ay “isinakay” ng militar sa mga bangka na “pinasabog” sa karagatan upang “pagtakpan” umano ang “krimen.”

Ayon pa sa CPP, mga ‘US military advisers’ ang nagpapatakbo ng ‘counter insurgency program’ ng gobyerno partikular sa Samar, ganern?!

***

Ano man ang katotohanan, ang malinaw ay “ubos” na ngayon ang matatas na lider ng CPP-NPA.

Una nang “ipinasundo” ni ‘Lord’ si CPP founder Jose Maria Sison na namatay sa Utrecht, The Netherlands, noong Disyembre 16, 2022.

Bago ito, “tigok” naman sa engkuwentro sa Baguio City noong 2020 si Julius Giron, na CPP chairman din.

Pansamantalang pinalitan ni Giron si Tiamzon sa posisyon matapos mahuli sa Cebu City ang mga Tiamzon noong 2014 at pinalabas ni PDU30 dahil sa peace talks kasama ang iba pang mga lider ng CPP-NPA.

Agad namang nagtago ang mga ito at bumalik sa paghawak ng armas laban sa gobyerno nang pormal nang itigil ni PDU30 ang peace talk noong 2017.

‘Dead on the spot’ din sa engkuwentro sa militar sa Davao de Oro noong Enero 2022 si Menardo Villanueva na dapat sana ay ‘next-in-line’ bilang CPP chairman.

At nito namang Lunes, Abril 17, ‘deported’ mula Malaysia itong si Eric Jun Casilao na pinakamataas na lider ng CPP-NPA sa Mindanao at inaasahan ding susunod na CPP chairman (sana) dahil sa pagkamatay ni Villanueva at Pedro ‘Gonyong’ Codaste, na napatay kasunod ni Villanueva noon ding Enero 2022.

Samantala, ang balita naman sa atin, itong ating “bosing” na si Tirso ‘Ka Bart’ Alcantara ng Melito Glor Command, bagaman buhay pa ay nasa banig ng karamdaman! Aber, magkita pa kaya kami nitong si Bosing?

Hmm. Siguro ay panahon na para mag-isip na ang mga kasama kung “saan” pa patungo ang kanilang “ipinaglalaban.”

Aber, higit 50 taon na ang “rebolusyon” pero sa halip umabante, sa pagkalusaw ang direksyon!

Abangan!

AUTHOR PROFILE