
‘Cowboy’ binitbit dahil sa sumpak
MISTULANG “cowboy” na pabalik-balik sa paglalakad ang 36-anyos na tambay sa dinayong barangay habang may bitbit na improvised hand gun Huwebes ng madaling araw sa Malabon City.
Kaagad dinakma nina P/SSg Honorio Aguas, Jr. at P/Cpl. Noriel Tejares ng Malabon Police Sub-Station 4 ang suspek na si alyas “Johbet.” residente ng Macopa St Brgy. Potrero, nang maaktuhang palakad-lakad sa Interior Sanciangco St. Brgy. Catmon dakong alas-12:05 makalipas ang hatinggabi habang bitbit ang isang sumpak na may lamang bala.
Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nagpapatrulya sa Barangay Catmon sina Sgt. Aguas at Cpl. Tejares nang matanggap nila ang tawag kaugnay sa pagsisiga-sigaan ng isang dayong lalaki na palakad-lakas sa Int. Sanciangco St. na may bitbit na baril.
Lumabas sa pagsisiyasat na walang maipakitang anumang uri ng dokumento si alyas Johbet sa dalang armas kaya’t kaagad siyang inaresto ng dalawang pulis at dinala sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) upang isailalim sa imbestigasyon.
Tumanggi rin ang suspek na magbigay ng pahayag kung ano ang kanyang motibo sa ginawang pagdayo sa Brgy. Catmon para magpalakad-lakad na may bitbit nab aril.
Ayon kay Col. Baybayan, kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms ang Ammunition ang isasampa ng mga pulis sa Malabon City Prosecutor’s Office laban sa suspek na nakapiit ngayon sa custodial facility ng punong himpilan ng Malabon Police.