Congw. Lucy Torres: ‘Wag tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC

May 27, 2021 Marlon Purification 196 views

Marlon PurificationBAGAMAN humupa na ang isyu laban sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), nanindigan si Leyte (4th District) Rep. Lucy Torres na hindi dapat tanggalan ng pondo ang nasabing ahensiya.

Ani Torres, sakaling ituloy ng Mataas na Kapulungan ang pagbaril sa P20 million budget ng NTF-ELCAC, 822 barangays sa buong Pilipinas ang tiyak na maaapektuhan.

Hindi aniya ito nararapat at hindi napapanahon lalo’t sa gitna ng pandemya ay nagpapatuloy ang problema ng insureksiyon sa kanayunan.

Kung matatandaan, ipinanawagan kamakailan nina Senators Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian at Nancy Binay na tanggalan ng budget ang NTF-ELCAC dahil sa red-tagging nito sa Maginhawa Community Pantry sa Quezon City.

Bilang isang probinsiyana, batid ng misis ni Ormoc City Mayor Richard Gomez ang kahalagahan at malaking tulong na ibinibigay ng NTF-ELCAC sa mga probinsiya, higit lalo ang mga local government units na pilit pinupunan ang pangangailangan ng kanilang mga kababayan, usapin man ito ng sikmura, inprastraktura o ekonomya.

Bago aniya gumawa ng marahas ng hakbang, dapat maintindihan ng mga kapwa niya mambabatas ang kahalagahan ng Barangay Development Program (BDP) na nasa ilalim ng NTF-ELCAC na walang ibang layunin kundi isalba ang mga barangay mula sa pagkakalugmok dulot ng pananakop ng mga rebeldeng komunista.

Ang BDP na bahagi ng programa ng NTF-ELCAC ay isa sa itinuturing ding ‘flagship project’ ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang P20 billion pondo rito ay hindi cash na ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan kundi sa pamamagitan mismo makabuluhang proyekto gaya ng farm-to-market road, school building, water sanitation, health station, health centers at livelihood projects.

Kung mawalan sila ng pondo, paano na ang mga pobre nating kababayan sa mga mahihirap na probinsiya, sabi pa ni Torres.

Kapag nangyari ito, hindi malayong mamayani uli ang karahasan at hindi makataong recruitment ng CPP-NPA na sinasamantala ang kahinaan, frustration at kahirapan ng mga aba nating kababayan.

Sa ganang akin, nakahahanga ang mga ganitong uri ng pahayag mula kay Congw. Torres.

Batid niyang marami ang bumabatikos sa NTF-ELCAC at hindi siya nagpadala sa pagpupuyos ng galit ng ilang kumokontra rito. Sa halip, nanindigan siyang hindi dapat humantong sa pagtapyas sa pondo ang maging sagot kung nagkaroon man ng problema sa ilang namamahala rito.

Hindi lamang sentido-kumon ang ipinakita ni Torres, kundi nagpamalas din siya ng tapang at malasakit para sa mga kababayan nating mahihirap.

Kung baga, hindi lamang siya basta sumasawsaw sa isyu, kundi inaaral niya ng husto ang posibleng maging implikasyon ng panawagan kontra NTF-ELCAC fund.

Tulad ng kongresista, naniniwala tayong hindi ang buong NTF-ELCAC ang may problema kundi ang kanilang spokespersons lamang na sina Lt. Gen. Antonio Parlade at Undersecretary Lorraine Badoy.

Anuman ang dahilan ng pamahalaan kung bakit ayaw pang sibakin ang mga naturang opisyal ay ‘prerogative’ na iyon ng ating Pangulong Duterte bilang commander-in-chief ng bansa.

Sa mga tinuran ni Torres, bigla tayong napaisip na mukhang mas may sense pa ang mga pahayag nito, kumpara sa ilang senador natin ngayon na walang laman at puro sabaw lamang ng utak ang alam.

Kung baga sa simpleng assessment, mas may K as in mas may karapatan pang maging senador si Lucy Torres kumpara sa iba.