Luis4 Luis Manzano, Vilma Santos and Ryan Christian Recto

Commercial endorsements ni Luis isa-isang naglayasan

February 14, 2025 Ian F. Fariñas 291 views

MALAKI pala ang isinasakripisyo ni Luis Manzano sa pagtakbo bilang vice governor ng Batangas dahil ilan sa commercial/product endorsements niya ay nagsipag-pull out na.

Hindi na nga siya ni-renew ng ilang endorsements matapos ianunsiyo ang pagsabak niya sa pulitika.

As we all know, ka-tandem si Luis ng mommy niyang si Star for All Seasons Vilma Santos-Recto, na tumatakbo sa posisyon ng gobernador. Ang kapatid naman niyang si Ryan Christian, pagka-kongresista ang tina-target sa paparating na eleksyon.

Sa pagdalo sa kick-off event ng Barako Fest 2025 at inauguration ng Manila-Batangas Bypass Road sa Lipa City nitong Huwebes, inamin ni Luis na apektado na maging ang mga raket niya bilang host.

“To be honest, lahat naman tayo, eh, matatanda na rin naman dito. Nagpaalam na kami. Katunayan, marami rin sa endorsements ko ang hindi na nag-renew. Ganu’n, kaagad-agad, nu’ng naisipan namin nu’ng pag-file ko. Isa ‘yun sa mga sinabi ni Gov. Vi nu’ng unang usapan pa lang namin. Kumakain kami, sabi niya, ‘anak, alam ko ang industriya, so maniwala ka na the moment na mag-announce ka at lahat-lahat, maniwala ka’t sa hindi, kahit mga endorsements mo, mawawala, aatras.’ Katunayan nasa tatlo o apat na ang endorsements ko na nag-pull out na. So sabi ko naman, ‘oo, naiintindihan ko rin naman ’yon, ‘yung income ko rin siyempre tatamaan talaga.’ Sabi nga ni Gov. Vi, which is ramdam ko to simula’t sapul, ‘anak mabawasan ka man ng commercial, mabawasan ka ng endorsements, mas masarap ang tulog mo kasi mas marami kang matutulungan na mga tao.’”

Mabuti na lang at all-out support kay Luis ang misis niyang si Jessy Mendiola na, incidentally, ay kasa-kasama nilang dumalo sa kick off ng three-day Barako Fest na tatagal hanggang ngayong Sabado, Feb. 15.

Hirap man dahil may bagong show, “Nobody,” sa ABS-CBN, plus may Baby Peanut na inaalagaan, nagagawan naman daw ni Jessy ng paraan na maging “super hero.”

Sey ng aktres, “Ang sabi po sa akin, basta stay strong, lagi mo lang siyang samahan at palakasin ang loob niya.”

Grateful din si Jessy sa Kapamilya bosses sa pagpayag na i-prioritize niya ang pagtulong sa campaign ni Luis.

Nang tanungin kung paano nila ise-celebrate ang V-Day sa sobrang ka-busy-han, sagot ng mister ni Jessy, “Ako pa?! Meron!”

“Wedding anniversary din po namin sa 21, so doon na lang po namin gagawin ang date namin,” salo naman ni Jessy.

Maliban sa kanyang may-bahay, todo-suporta rin sa kandidatura ni Luis ang daddy niyang si Edu.

“He’s very, very supportive. Alam naman niya, he was also in public service dati nu’ng siya ay naging vice mayor ng Makati. So, kumbaga, may mga payo siya here and there. Pero ramdam ko naman ‘yung suporta niya sa’kin talaga,” paniniguro pa ng unico hijo nina Ate Vi at Edu.

AUTHOR PROFILE