Comm. Rey Guerrero, tuloy ang pagpapaganda ng serbisyo sa BoC

March 20, 2022 Vic Reyes 158 views

Vic ReyesMAHIGIT tatlong buwan na lang ay matatapos na ang six-year presidency ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang dating long-time mayor ng Davao City sa Mindanao.

At si Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero naman ay taas noong lilisanin ang “snake-infested waterfront” na pinamunuan niya mula noong 2018.

Sa totoo lang, mula nang maupo si Guerrero bilang hepe ng BOC ay kaliwa’t-kanang papuri na ang tinatanggap ng mga opisyal at kawani ng nasabing ahensya.

Marami kasing “drastic reforms” ang ipinapatupad ng dating hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para lang mapabuti ang serbisyo sa aduana.

Kahit nitong panahon ng coronavirus disease pandemic ay laging above-target ang buwanang koleksyon ng second largest revenue-generating agency ng gobyerno.

Bumilis din ang pag-proseso ng mga papeles at dokumento sa aduana na ikinagalak naman ng mga port users, lalong-lalo na ang mga importador at customs brokers.

Tuloy-tuloy din ang anti-graft and corruption drive sa mga opisina ng ahensya. Lalo ring pinaigting ni Commissioner Guerrero ang kampanya laban sa ismagling.

Mismong si Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III ay madalas ding papurihan ang mga opisyal at kawani ng BOC dahil sa kanilang mga accomplishments.

Ang BOC ay nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) na pinamumunuan ni Secretary Dominguez.

Pero aminado si Guerrero na kailangang magpatuloy pa ang mga “improvement” na ginagawa sa aduana para lalo pang gumanda ang serbisyo sa waterfront.

Noong February 27 presidential debate ay sinabi ng mga kandidato sa pagka-presidente na ang BOC ang uunahin nilang iimbestigahan sakaling mahalal.

Pagkatapos nito ay naglabas naman ng saloobin si Guerrero at dito na niya inisa-isa ang nagawa ng kanyang administrasyon para i-address ang mga problema sa BOC.

Marami ang nagsasabing baka hindi lang alam ng mga kandidato ang mga ginagawa ng mga “men and women in BOC uniform” para mapaganda ang serbisyo sa aduana.

Hindi rin sana nagtagal sa puwesto ang dating military general kung hindi maayos ang kanyang panunungkulan.

Kagaya ng iba pang opisyal, si Guerrero ay humahawak ng co-terminus appointment to the appointing authority na si Pangulong Duterte, na matatapos ang termino sa Hunyo 30.

Iyan ang mahirap, lahat ng makabubuti ay ginagawa na ng pamunuan ni Guerrero sa BoC pero nababatikos pa rin.

Masakit ‘di ba?

***

Marami talagang mabibigat na problema ang hinarap ni Pangulong Duterte sa kanyang panunugkulan.

Lalo na nitong huling dalawang taon ng kanyang administrasyon. Nandiyan ang mga matitinding bagyo, COVID-19 pandemic at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Nandiyan rin ang pagragasa ng nakakatakot na Asian Swine Flu (ASF) na nagpabagsak sa swine industry ng bansa. Napilitan tuloy tayong umangkat ng karne ng baboy.

Ngayon naman, nandiyan ang mag-iisang buwan ng away ng Russia at Ukraine na nagpalala sa oil supply problem sa buong mundo, kasama na ang Pilipinas.

Kaugnay nito, ilang linggo ng tumataas ang presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.

Lahat na yata ng mga produkto, kasama na ang essential commodities, ay tumaas ang presyo na inaalmahan ng taumbayan, lalo na ng mga walang trabaho at iba pang mahihirap.

Ang matindi pa, aalis si Pangulong Duterte na ang malaki ang foreign debt ng bansa na unabot ng mahigit P12-T dahil kailangan nating umutang para gamitin sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Ang maganda lang, napigilan natin ang paglala ng pandemya dahil sa mga hakbang na ginawa ng mga otoridad.

Pero paano kaya natin mababayaran ang ating mga utang?

***

Talaga namang painit ng painit ang mga Pinoy kung ang pag-uusapan ay eleksyon.

Kahit saang lugar, lalo na sa mga probinsiya ay walang ibang pinagtatalunan sa mga umpukan kundi politika.

Ang nakakatawa ay mas maiinit at maiingay pa ang mga miron kaysa mga kandidato at lider ng mga partido politikal.

Pero pagkatapos ng eleksyon ay mababalitaan na lang na nagkaayos na ang mga dating mag-kalaban sa politika at handa na raw magtulungan para sa ikabubuti ng lahat.

Ang mga miron naman, tuloy pa rin ang away na kung minsan ay nauuwi pa sa sakitan.

Iyan ang dapat iwasan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay ang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE