College student huli sa tangkang ‘rape’

January 25, 2022 Melnie Ragasa-limena 229 views

Ipinakulong ng 19-anyos na dalaga ang binatang matagal na niyang kaibigan nang imbitahan siya sa kaarawan nito at pagtangkaang gahasain sa tahanan nito sa Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Agad namang naaresto ang suspek na si Nelix Benjamin Delfin, 21, binata, college student, at naninirahan sa 9B Salvia St., Saint Dominic Zabarte, Brgy. Kaligayahan, QC.

Sa report ng Pasong Putik Proper Police Station (PS-16) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 3:50 ng umaga (January 24), ng maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng suspek sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Julie An L. Gamora ng Women and Children Protection Desk ng PS-16, bandang 3:30 ng madaling araw habang nakikipag-inuman umano ang biktima sa kaniyang mga kaibigan sa Nova Stop, ay inimbitahan nito ng suspek sa pamamagitan ng (Facebook) Messenger.

Dahil nagkataon naman na nagdiriwang ng birthday ang suspek ay ang dalaga na lamang ang inimbitahan nito at sinundo saka dinala sa kanilang bahay.

Pero dahil tila nahihilo na umano ang biktima ay nagpaiwan na lamang ito sa silid ng binata upang magpahinga kaya umalis na ang suspek at binalikan ang kainumang mga kaibigan.

Makalipas ang 20 minuto ay binalikan ng suspek ang biktima, humiga sa tabi ng dalaga saka nilamas at pinaghahalikan.

Hindi pa nakuntento ay puwersahang hinuhubad ng suspek ang suot na shorts ng dalaga at doon ay naalimpungatan ang biktima kaya naitulak ang binata.

Pero dahil sa matinding pagnanasa ay pinigilan niyang makalabas ang dalaga at ipinagpatuloy pa rin ng binata ang kaniyang ginagawa kaya nagmakaawa na habang umiiyak ang biktima.

Pinakawalan lang ng suspek ang biktima nang sabihin niyang nairekord nito sa kaniyang cellphone ang kanilang conversation.

Nang makawala ang dalaga ay agad nagpasama sa mga kaibigan at inireklamo ang binata sa mga opisyal ng barangay dahilan upang ito ay arestuhin.

Inihahanda na ang kasong Attempted Rape laban sa suspek.