Collection ng BoC, umabot ng P68.24-B

June 5, 2022 Vic Reyes 95 views

Vic ReyesKAHIT alam nilang paalis na ang administrasyon ni Pangulong Duterte ay patuloy pa rin ang magandang serbisyo ng mga opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa aduana.

Alam nilang mahalaga ang papel na ginagampanan ng ahensya sa muling pagbangon ng bumagsak na ekonomiya ng bansa dahil sa mapamuksang COVID-19 pandemic.

Ito ngang nakaraang Mayo ay tuloy ang magandang revenue collection performance ng ahensiyang pinamumunuan ni dating military Gen. Rey Leonardo “Jagger” Guerrero.

Sa totoo lang, umabot ng tumataginting na P68.24 bilyon ang buwis, taripa at iba pang bayarin ang nakolekta ng 17 collection districts ng BOC sa buong bansa.

Ang koleksyon ay lampas ng P12 bilyon o 21 percent sa May 2022 target collection na P56.48 bilyon .

Sa 17 collection districts, dalawa lang ang hindi nagawang lampasan ang kanilang buwanang revenue target.

Ayon sa record, umabot na ng P322.47 bilyon ang kabuang koleksyon ng BOC mula Enero hanggang Mayo. Ang target collection ng ahensiya sa taong ito ay P679.23 bilyon.

Tuloy-tuloy ang magandang collection performance ng ahensiya dahil sa improved valuation system, intensified collection efforts at pagpapatupad ng measures preventing revenue leakages.

Nandiyan din ang unti-unting pagbubukas ng ekonomiya bunga ng paghupa ng pandemya.

Congrats sa mga kaibigan natin diyan sa aduana.

***

Magkakaroon kaya ng malawakang balasahan sa mga district colllector ng Bureau of Customs (BOC) pagpasok ng bagong komisyuner sa Hulyo 1?

Ito ang mainit na pinag-uusapan ngayon sa aduana habang papalapit ang pagtatapos ng administrasyong Duterte.

May mga usap-usapan kasi na ang gusto ng papasok na gobyerno ay masawata ang revenue leakage para masiguro na talagang mapupunta sa kaban ng bayan ang mga buwis.

Kung hindi masasarhan ang leakages ay mahihirapan ang mga otoridad na makakolekta ng sapat na buwis para pondohan ang mga mahahalagang programa at proyekto ng gobyerbo.

Ang masakit lang, baka ilagay naman sa “floating status” ang mga matatanggal na opisyal ng BOC.

Sana naman ay ilagay sila sa mga puwesto na magagamit ang kani-kanilang experience at expertise para makatulong sa papasok na administrasyon.

Pero sa mga opisyal at tauhan na makikitaan ng hindi magandang record ay sorry na lang kasi ang gusto ni Pangulong Marcos ay mawala na nga ang korapsyon sa aduana.

Panahon na para tayo’y magtulungan kung hindi ay baka mahirapan tayong bumangon.

Marami tayong problema na dapat mabigyan ng agarang solusyon.

Tama ba kami, incoming Finance Secretary Benjamin Diokno at Executive Secretary Vic Rodriguez?

***

Kagaya ng dati, ang mga pumapasok na bagong administrasyon ay binibigyan ng tinatawag na 100-day “honeymoon.”

Ang ibig sabihin nito ay iniiwasan munang punahin ang bagong administrasyon para mabigyan ng pagkakataon na ipakita ang kanyang magagawa.

Napaka-unfair naman sa mga bagong opisyal ng gobyerno kung banat na lang ng banat ang gagawin natin pag-upo pa lang nila sa kani-kanilang puwesto.

Bigyan natin sila ng pagkakataong magtrabaho.

Sa tingin naman natin ay handa ang bagong administrasyon na bigyang-solusyon ang mga mabibigat na problema na mamanahin nina Pangulong Bongbong Marcos.

Talaga lang maraming problema at challenges ang sumulpot sa anim na taong panunungkulan ni Pangulong Duterte.

Nandiyan ang mga mapanirang bagyo, lindol, pagputok ng bulkan, landslide, flooding, sakit ng mga hayop at coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Masyadong masalimuot!

AUTHOR PROFILE