FPJ

Coco, tinitipid ang guests ng ‘Batang Quiapo’

May 6, 2023 Vinia Vivar 500 views

Aminado si Coco Martin na akala niya ay hindi na niya mauulit pa ang success ng FPJ’s Ang Probinsyano sa FPJ’s Batang Quiapo.

Pero nagulat siya na sa pagsisimula pa lang ng FPJBQ three months ago ay umarangkada na agad ito sa ratings at nagtuluy-tuloy pa ang pagtaas hanggang sa ngayon.

Kaya naman masayang-masaya ang aktor/direktor/producer at labis na nagpapasalamat sa lahat ng sumusuporta sa show.

“Sobra akong na-surprise, eh. Kasi sabi ko, nu’ng ginagawa namin ang Ang Probinsyano, sabi ko, ‘sigurado ako, hindi ko na mauulit ‘to.

‘Yung ganu’ng experience,” sey ni Coco sa FPJBQ mediacon.

“Pero ngayon, base sa mga number na lumalabas sa Batang Quiapo, mas mataas pa siya kesa sa Ang Probinsyano. Kasi, nu’ng pumasok ang Ang Probinsyano,’ hindi naman kami umaabot ng ganitong ratings, eh, nu’ng nawala ‘yung prangkisa ng ABS-CBN.

“Ngayon, kahit na wala ang prangkisa, maganda ‘yung ratings na ibinibigay nu’ng show. Kaya nakakatuwa. Tumaas na nang tumaas lalo na ‘yung mga view sa YouTube, nakaka-surprise,” dagdag niya.

Sa bagong yugto ng serye sa May 8, sinisiguro ni Coco na mas pagagandahin pa nila ang show. Bukod sa pagbabagong magaganap, may mga bagong karakter ding papasok at isa na rito si Joey Marquez.

Natanong kay Coco kung kailan papasok sina Daniel Padilla and Kathryn Bernardo dahil matatandaan ngang nagsabi sa kanya si DJ na anytime na kailanganin siya ay willing siyang mag-guest.

“Siyempre, pangarap kong makatrabaho ‘yung mga ‘yun. Kung saka-sakali na talagang magkaroon ng pagkakataon na available sila at pwede, napakalaking karangalan siyempre ng Batang Quiapo na makatrabaho si Daniel saka si Kathryn,” ani Coco.

Maging si Sharon Cuneta, matatandaang nagsabi rin na kahit lola ni Coco, payag siyang makasama sa bagong show ng aktor. May plano bang mai-cast niya ulit ang Megastar?

“Si Mommy Sha kasi, sobrang bait talaga, alam n’yo po, ‘yung pagsuporta niya na kahit ano pang proyekto ‘yan, talagang… siya ang nagsasabi na ‘kapag kailangan n’yo ko, anytime,’’ sabi ni Coco.

Sa ngayon, tinitipid daw niya ang mga artistang pwedeng i-guest at inuunti-unti niya.

Nangyari raw kasi sa FPJAP na naubusan siya ng artistang makukuha.

Naitanong din sa aktor kung totoo bang may plano ring pagsamahin sila ni Alden Richards.

“Ay, gusto ko siyang makatrabaho. Mabait ‘yun,” sambit niya.

Ikinuwento ni Coco na dati ay nag-DM (direct message) siya kay Alden noon.

“Meron pa ‘kong IG (Instagram) noon, minessage ko siya, sabi ko, ‘sana, magkatrabaho kami,’” tsika ni Coco.

Sumagot naman si Alden at willing din ito na magkatrabaho sila.

“Sabi niya, ‘sana drama,’” aniya.

Pero ngayon nga, ang rumored girlfriend niyang si Julia Montes ang unang makakatrabaho ni Alden sa isang pelikula.

“Suportahan n’yo po ang movie nina Alden at Julia. Malapit na malapit na po ‘yan, sinu-shooting nila ngayon sa Singapore,” paanyaya ni Coco.

AUTHOR PROFILE