Coco5

Coco, nasaktan sa pangliligwak ng ABS-CBN!

March 29, 2023 Vinia Vivar 347 views

NI-reveal ni Coco Martin na ilang beses siyang na-reject ng ABS-CBN noong panahong sexy actor pa siya.

Sa mediacon at screening ng reunion movie nila ni Direk Brillante Mendoza na Apag, binalikan ni Coco ‘yung panahong magkasama pa sila ng direktor na gumagawa ng mga indie (independent) films.

“Noong nagsisimula ako sa indie films, ‘yung ginagawa namin ni Direk Dante nu’n, lalo na ‘yung first movie ko, Masahista, tapos medyo matured,” kwento ni Coco.

“Ang tingin sa akin ng network, ang tingin talaga sa akin noon, bold actor, sexy star. ‘Yun talaga ang ano nila sa akin,” aniya.

Hindi raw niya makakalimutan nang mag-inquire ang ABS-CBN noon kay Direk Dante at gusto siyang kunin para maging ka-love triangle nina Rayver Cruz at Shaina Magdayao sa isang teleserye.

“Siyempre, si Direk Dante, excited na excited kasi mabibigyan ako ng trabaho, eh. Dahil alam naman natin na ‘pag sa TV, ‘yun ang tinatawag ng mga artista na bread and butter, ‘di ba? Na talagang regular na income ka. ‘Pag sa pelikula kasi, ngayon meron, tapos medyo matagal, wala.

“Siyempre, excited kami na makakapasok na ‘ko sa TV. Kumbaga, magkakaroon na ako ng regular show,” tsika ng ABS-CBN Primetime King.

Pero ang ending, hindi itinuloy dahil nga bold actor siya.

“Biglang binalikan kami, ang sabi, ‘Direk, si Coco Martin pala ay bold actor. Eh, alam mo naman, medyo conservative kung ila-love triangle kay Shaina saka kay Rayver.

“Kami naman, parang ‘eh, di, okay, di next time, ganyan,” patuloy ni Coco.

After a few months ay nakatanggap na naman sila ng inquiry from ABS-CBN. This time, para sa soap opera naman ni Judy Ann Santos. Ang role niya ay isang gay na magiging best friend ni Juday.

“Sabi ko, ‘o sige, laban ako diyan, basta may trabaho.’ Tapos, binalikan na naman si Direk Dante, ‘Direk, pasensya na. Eh, sexy actor pala si Coco Martin,’ ganyan-ganyan, ‘alam mo naman sa TV, medyo conservative,’ ganyan,” pagre-recall ng aktor.

“Honestly, na-hurt ako do’n. Kasi, sabi ko sa sarili ko, ang taas ng tingin ko sa trabahong ginagawa ko. Hindi ko siya tinitingnan na parang itong proyektong ‘to, gagawin ko ‘to, maghuhubad ako, magpapakita ako ng katawan kasi gusto kong sumikat. Hindi ‘yun.

“Ginagawa ko ang isang role o ‘yung project na ‘yun dahil naniniwala ako sa respeto ko sa trabahong ginagawa ko. Kahit ano pa ‘yan,” patuloy ni Coco.

Pagkatapos daw no’n ay sinabi niya sa sarili na ayaw na niyang pumasok sa TV.

“Kasi sabi ko, kung ayaw nila sa akin, eh, di huwag. Hindi ko naman ipinagpipilitan ang sarili ko, eh. Sila ang nag-i-inquire sa akin, ang masakit, nakakatikim ako ng rejection. Ang baba ng tingin nila sa akin, pero ang taas-taas ng tingin ko sa trabahong ginagawa ko,” aniya.

Hanggang sa sinabi raw sa kanya ni Jaclyn Jose, na ilang beses na rin niyang nakasama sa indie films, na gusto siyang kunin ni Direk Andoy Ranay sa isang show nito sa ABS-CBN, ang Ligaw na Bulaklak. Tinanggihan na raw niya dahil nga sa naranasan niya.

“Sabi ko, ‘dito na lang ako sa indie. Hindi man ganu’n kalaki ang kinikita ko, pero nararamdaman ko ‘yung respeto.’ Kumbaga ‘yung pagtingin nila sa ginagawa namin. ‘Pag lumalaban kami ng international, ‘di naman kami kilala do’n. Pero ‘yung respeto, natatanggap namin.

“Bakit sa sarili naming bansa, iba? Bakit ang baba ng tingin? Ba’g ganu’n ang tingin sa amin?” hinanakit ni Coco.

Pero sinabihan daw siya ni Jaclyn na “’Nak, pagbigyan mo na ‘ko, isa na lang. Kapag hindi pa natuloy ‘tong project na ‘to, ‘wag ka nang mag-TV kahit kailan.”

Sinunod naman daw niya si Jaclyn at natuloy na nga ang proyekto hanggang sa magtuluy-tuloy na siya.

“Du’n ako nag-start. Du’n ako napansin na binigyan ako ni Direk Andoy Ranay ng pagkakataon. Du’n ako napansin ng Channel 2 na magdire-diretso na ‘yung trabaho ko ngayon sa network, sa ABS-CBN,” he recalled.

Samantala, laking tuwa ni Direk Brillante na nakatrabaho niya ulit ang kanyang protégé. Nang napunta na kasi si Coco sa mainstream ay naging magkaiba na ang kanilang direksyon pero masayang-masaya raw siya sa success ng aktor.

Si Coco pa mismo ang nagprisinta sa Apag dahil nga sa biglang pagba-back-out ni Aljur Abrenica na bida sana sa movie.

Of course, welcome na welcome naman kay Direk ang sinabi ni Coco kaya inayos niya agad ang schedule ng shooting.

Isa sa official entries sa Summer Metro Manila Film Festival ang Apag produced by Centerstage Productions and the Hong Kong International Film Festival Society.

Showing sa April 8, kasama rin dito sina Shaina, Jaclyn, Sen. Lito Lapid, Gladys Reyes, Mark Lapid, Mercedes Cabral, Vince Rillon at Gina Pareño.

AUTHOR PROFILE