Coco

Coco nagpugay sa yumaong “indie mentor”

June 19, 2024 Vinia Vivar 226 views

Binigyan ng pagpupugay ni Coco Martin ang award-winning screenwriter and filmmaker na si Armando “Bing” Lao na pumanaw kahapon (June 18) sa edad na 75.

Sa isang Instagram post ngayong araw (June 19) ay makikita ang mga larawan nila ng nasabing pumanaw na film icon na nakatrabaho niya sa maraming pelikula noong nagsisimula pa lang siya.

Sa caption ay inalala ni Coco ang mga pinagsamahan nila ni Lao na aniya ay isa sa naging mentors niya.

“Isa siya sa mga naging mentor ko noong ako ay nagsisimula pa lang sa industriya. Serbis, Kinatay, Tirador, Masahista, Biyaheng Lupa at Pula ang ilan sa mga pelikula na kanyang nilikha ang aming pinagsamahan,” ani Coco.

Patuloy ng aktor/direktor ay napakarami niyang natutunan sa kanyang mentor.

“Sobrang dami ko pong natutunan sa iyo. Hinding hindi ko makakalimutan ang lahat ng aral at gabay na ibinahagi mo sa akin. Isa pong malaking karangalan na makilala ka at maging bahagi ng iyong mga dekalibreng obra,” aniya.

“Mahal na mahal kita, Tito Bing! Mananatiling buhay ang iyong mga obra sa aming puso at isipan. Paalam at Walang Hanggang Salamat po!” mensahe pa ni Coco kay Bing.

Si Lao ay itinuturing na genius ng Philippine Independent Cinema at humakot ng awards para sa kanyang screenplays tulad ng “Takaw-Tukso” (Urian Best Screenplay, 1987), “Itanong mo sa Buwan” (Urian Best Screenplay, 1989), “Oras-Oras, Araw Araw” (Film Academy Award Best Screenplay, 1990), “Sana Pag-ibig Na,” “Pila-Balde” (Urian Best Screenplay, 2000), “Tuhog” (Urian Best Screenplay, 2001), “La Vida Rosa” (Urian Best Screenplay, 2002) at “Serbis” (Cannes Film Festival Official Entry, 2008).

AUTHOR PROFILE