
Coco ipapaayos ang mata at ngipin ni Katherine
Pinanoood pala mismo ni Coco Martin ang interview ni Julius Babao kay Katherine Luna at nakaramdam siya ng awa para sa dating girlfriend.
Kwento ni Ogie Diaz sa kanyang vlog, naka-text niya si Coco tungkol dito at sinabi nga raw ng aktor na gusto niyang tulungan si Katherine matapos mapanood ang interview.
Binasa ni Ogie ang text message ni Coco sa kanya. Anang aktor, “Gusto ko siyang tulungan. Nakulong pala siya. Gusto ko sanang mapaopera ang mga mata niya para makapagtrabaho uli siya.
Sabihin mo kukunin ko siya sa Batang Quiapo kahit hindi pa ayos ang mata niya para magkaroon siya agad ng trabaho at mas matuloy niyang maayos ang kanyang buhay lalo na mga bata.”
Sey pa raw ni Coco, “Pero sana, maipangako niya sa akin na ayusin niya ang buhay niya at hindi na siya babalik sa dating bisyo.”
Tutulungan din daw niya si Katherine na ipaopera ang mata nito.
“Puwede akong maghanap kung saan puwedeng ipaopera ang mga mata niya kung papayag siya,” sey ni Coco.
Matatandaan na sa interview ni Julius kay Katherine ay natatakpan ng kanyang buhok ang isa niyang mata dahil labis daw itong naapektuhan noong magkasakit siya.
Anyway, ayon kay Ogie, pinasasabi rin ni Coco kay Katherine na napatawad na niya ito.
“Pakisabi, napatawad ko na siya at kalimutan na namin ‘yon. Ang importante, ‘yung ngayon. Gusto ko siyang tulungang makabalik sa trabaho para sa panibagong buhay niya,” sey ni Coco kay Ogie.
Sabi pa raw ng aktor, “Alam ko kasi ang pakiramdam niyan na parang nagsarado na ang lahat sa ‘yo kaya tulungan natin siya pare, ha.”
Hiling ni Coco na magbagong-buhay na talaga si Katherine at maging maayos na ang kalagayan.
“Sana huwag na niyang sayangin ‘yung bagong oportunidad na magkakaroon siya para sa mga anak niya,” sey pa raw ni Coco kay Ogie.
Ipinarating naman ni Ogie kay Katherine ang mga sinabi ni Coco at hiyang-hiya raw ang dating indie actress.
“Sabi ko, ‘mare kapag tinulungan ka ni Coco, ‘wag mo nang sayangin. Alam mo, ang inaalala nu’ng tao, na kayo nu’ng araw na walang-wala, na nagsisimula kayo. Si Coco bilang hindi niya nakakalimutan ‘yung mga nakasama niya nu’ng araw na wala siya, binabalikan niya para tulungan kaya wag mong sasayangin. ‘Pag may taong tumutulong sa ‘yo, tulungan mo rin lalo ‘yung sarili mo,’” sey ni Ogie.
Sagot daw ni Katherine ay hiyang-hiya siya kay Coco pero pinayuhan siya ni Ogie na huwag nang isipin ang hiya since ang aktor naman ang nag-offer.
“’Yung tao, willing kang tulungan, dapat tanggapin mo nang buong puso,” payo niya kay Katherine.
Mukhang nakinig naman ang dating aktres sa payo niya at nagpahatid din ng pasasalamat kay Coco.
Pero hindi pa rito natapos nang sinabi ni Katherine na nahihiya siyang mag-guest sa “FPJ’s Batang Quiapo” dahil hindi maganda ang kanyang ngipin, ipinarating din ito ni Ogie kay Coco.
Ang sagot daw ng aktor, “Papaayos ko ‘yung ngipin niya.”
Kaya naman lalong humanga si Ogie kay Coco. Aniya, kaya nga sobrang blessed ng aktor ay dahil sa napakalaki ng puso nito para sa mga nangangailangan.