Juliacoco

Coco at Julia, balik-tambalan sa ‘Probinsyano’

July 30, 2021 People's Tonight 542 views

Mangyayari na ang pinakahihintay na balik-tambalan sa telebisyon dahil mapapanood na si Julia Montes sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang bagong leading lady ni Coco Martin sa ikaanim na taon ng longest-running action-drama series.

Kinumpirma ng Dreamscape Entertainment ang pagpasok ni Julia sa serye nang ilabas sa social media ang mga litrato ng aktres sa story conference at pictorial sa ABS-CBN kahapon.

Ito ang magsisilbing TV reunion project nina Julia at Coco pagkatapos ng ilang taong panawagan ng fans na pagtambalin silang muli kasunod ng phenomenal TV drama na Walang Hanggan noong 2012.

Bukod kay Julia, papasok din sa FPJ’s Ang Probinsyano ang mga bagong karakter nina Tommy Abuel, Rosanna Roces, Vangie Labalan, Michael Flores, Chai Fonacier, Marela Torre, Elora Españo at Joseph Marco.

Sa ikaanim na taon ng serye ngayong Setyembre, dadaan sa mas matitinding pagsubok si Cardo (Coco) at ang Task Force Agila sa patuloy na pakikipaglaban nila para sa bayan.

Patuloy na kinakapitan ang saya, aksyon at mahahalagang aral ni Cardo sa Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube, kung saan sunud-sunod na sinira ng programa ang sariling record ng pinakamaraming viewers na sabay-sabay na nanonoood.

Noong 2020, ito rin ang naging kauna-unahang Pinoy teleserye na ni-livestream sa naturang video-streaming site.

Patuloy ring pinapanood ang pakikipagsapalaran ni Cardo hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo sa pamamagitian ng The Filipino Channel, Netflix at pagpapalabas sa Myanmar, Laos, Vietnam, Thailand at 41 bansa sa Africa.

Ano ang magiging papel ni Julia sa FPJ’s Ang Probinsyano?

Huwag palampasin ang pambansang teleserye gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV at iflix.

Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

AUTHOR PROFILE