COA bantayan pa ang COVID-19 funds

August 12, 2021 Marlon Purification 183 views

Marlon PurificationNASA kalagitnaan pa rin tayo ng paglaban sa COVID-19 pandemic pero tila ngayon pa lang ay may mga nakikita na ang Commission on Audit (COA) na kwestyonable sa paghawak ng pondo ng Department of Health (DOH).

Ito ay makaraang punahin ng COA ang anila’y “deficiencies” ng DOH sa P67 billion COVID-19 funds.

Kabilang sa mga isyung sinita ng COA ay ang mga iregularidad sa procurement process at kakulangan ng documentation sa maraming kontrata ipinasok sa DOH.

May mga medical equipment at supplies din na binili ng ahensya para sa pagtugon sa pandemya ang hindi nagamit o hindi kaagad nagamit dahil sa kakulangan ng pagpaplano.

Dumipensa naman si Health Secretary Francisco III at iginiit na wala siyang ibinulsa mula sa nasabing pondo.

Ginamit aniya ito sa pagbili ng mga COVID test kits, personal protective equipment (PPEs) at sa benepisyo at sweldo ng mga medical frontliner.

Pero may punto rin si Senador Joel Villanueva sa kanyang obserbasyon na problematic ang paraan ng paggatos ng DOH sa budget na ibinibigay sa kanila para sa pagtugon sa krisis.

“Ang COA report po ay parang MRI scan ng paggamit ng pondo. Itong sa taong 2020, nagsilbi po itong diagnostic tool at kitang-kita kung saan ang bara sa DOH,” diin ni Villanueva.

Ipinaliwanag ni Villanueva na sa lahat problemang inilatag ng COA, ang pinakamasakit ay ang delay sa pagbili ng mechanical ventilators.

Batay sa report, ang HEAL COVID-19 Project ay may kabuuang pondo na ₱2 bilyon na maaring gamitin po sa “medical equipment, COVID-19 vaccines, patient transport vehicles at iba pa

Sa naturang halaga, P479.7 milyon lamang ang na-obligate at ito ay para sa 90 units ng mechanical ventilators at 85 units of X-ray machines.

Subalit natapos ang taon, ayon pa sa mambabatas, nadagdagan na ang mga namatay sa COVID, ngunit wala pang delivery ng anumang equipment na ito.

“When procurement is choked by inefficiencies, a COVID patient struggling to breathe dies down the line. Umaasa po tayong mayroong catch up plan ngayong taong 2021 at madeliver na rin ang mga ventilators at X-ray machines,” diin ni Villanueva.

Kung pasyente anya ang DOH, maituturing na isa sa comorbidities nito ay ang problematic spending.

“I think DOH should make critical personnel hired in the field of procurement and supply chain management. For the pandemic to be defeated, or any public health challenge for that matter, logistics play an important role,” dagdag ng senador.

Tandaan natin na ang problema sa COVID 19 ay hindi lamang simpleng health crisis kundi apektado rito ang kabuhayan hindi lamang ng iilang Pilipino kundi ng buong bansa.

Tama ang ginagawa ng COA na ngayon pa lang ay sinisita na ang mga nakikita nitong iregularidad pero umaasa tayo na mapaninindigan nito ang tuloy-tuloy na pagtutok sa bawat spending program na may kinalaman sa pandemic.