Co-hosts, audience kinilig sa tanong ni Maine sa mister na si Arjo
MARAMI ang kinilig sa guesting ni Arjo Atayde sa Eat Bulaga kahapon.
Dumating doon ang aktor para mag-promote ng kanyang MMFF 2024 entry na ‘Topakk’.
Tatlong EB hosts ang nagpakilala sa kanya, sina Miles Ocampo, Allan K at ang misis ng actor-congressman na si Maine Mendoza.
Napaka-gentleman ni Arjo, at sadyang mahiyain, at seryosong nagpo-promote ng kanyang pelikula na inilarawan niya bilang all-out hard action at talaga namang napaka-challenging nang humirit si Maine ng: “Alin ba ang mas challenging, yung ginawa mo sa pelikula or yung having me as your wife?”
“In fairness, kinilig ako dun, ha,” sabi ng tawang-tawang si Allan K habang tuwang-tuwa ang lahat sa studio.
“Hindi ka ba nahirapan?” tanong uli ni Maine sa mister.
“Saan?” salo uli ni Allan K.
“Yun again, ‘yung having me as your wife,” pakuwela naman ni Maine.
Sagot naman ng natatawa nang seryosong congressman actor: “Of course, happy wife, happy life,” ani Arjo patungkol kay Maine. “Pero iba talaga ang challenge sa paggawa ng pelikulang ito. Madugo talaga, action-packed mula umpisa hanggang katapusan.”
Hirit ni Miles: “Sa totoong buhay po ba, maaksiyon din kayo?”
Singit ni Maine: “Action agad!”
“Puro trabaho, action agad,” ani Arjo.
Salo ni Maine: “ Kilala si Arjo na magaling umarte, pero, sori Baba (term of endearment ni Maine sa asawa), magaling rin itong sumayaw.”
“‘Di kami naniniwala,” hirit ni Miles.
“Music!” sigaw ni Allan K.
At nawala nang tuluyan ang kaseryosohan sa mukha ng aktor at pinagbigyan ang misis sa hiling na ipakita ang husay nito sa pagsayaw. Sabi nga ng mga nakapanood, lumabas ang pagka-topak ni Arjo sa pagsayaw dahil sa kuwelang misis na si Maine.
Samantala, marami ang nagsabing tiyak na masisiyahan ang mga manonood ng ‘Topakk’ dahil hindi lamang ito hard action kundi may drama, comedy, family values na hatid. Kasama ni Arjo sa pelikulang ito sina Julia Montes, Enchong Dee, Sid Lucero at marami pang iba sa direksyon ng award winning director na si Richard Somes.