Default Thumbnail

Climate Change Commission: Ipagpabawal ang campaign materials ngayong BSK elections

September 7, 2023 Marlon Purification 330 views

Marlon PurificationGUSTO ko itong panuakala ni Climate Change Commissioner Albert dela Cruz, Sr., na ipagbawal ang paggamit ng mga plastic na campaign materials ngayong darating na barangay at sangguniang kabataan elections.

Ayon kay Dela Cruz, plastic ang pangunahing dahilan kung bakit naapektuhan nang husto ang ating global warming.

‘Top contributor’ din ito sa ocean plastic pollution, maliban pa na nagging dahilan kung bakit bumabara ang ating mga kanal at imburnal.

Dahil dito, nanawagan si Dela Cruz Sr. sa Commission on Elections (Comelec) na bumalangkas ng polisiya na magbabawal sa paggamit ng mga campaign material na gawa sa plastik.

Ani Dela Cruz, mismong ang Pangulong Bongbong Marcos ang nagsabi sa unang State of the Nation Address (SONA) dahil binansagan ang Pilipinas bilang isa sa tatlong pangunahing contributor ng ocean plastic pollution.

Ngayong taon ay inilarawan pa ang ating bansa bilang No. 1 Ocean Plastic Contributor ng isang international magazine.

Dito ay inihayag ng opisyal na ang Climate Change Commission (CCC) ay binigyan ng mandato upang magsagawa ng mga polisiya na susuporta sa adhikain ng administrasyong Marcos na matupad ang pangako ng Pilipinas sa 2015 Paris Agreement at ang prayoridad nito na magsulong ng agarang climate action upang masagip ang kapaligiran at matiyak ang isang resilient future para sa susunod na mga henerasyon ng Pilipino.

“Kinikilala natin na kabilang sa mga isyu ukol sa climate change ang produksyon at paggamit ng mga plastik, partikular na ang single-use plastics (SUP) na kalaunan ay nagpapapalala ng ating garbage situation at polusyon sa ating bansa,” pinunto ni Dela Cruz.

“Ito ang dahilan kung bakit welcome sa akin ang Senate Bill 264, o ang ‘Single-Use Plastics Regulation and Management Act of 2022’, ni Senadora Loren Legarda, na ang layunin ay humantong tayo sa pag-phase-out at kalaunan pagbabawal sa paggamit ng mga SUP sa ating bansa,” dagdag pa nito.

Dahil sa adhikaing ito, iminumungkahi ni Dela Cruz ang pagbabawal sa paggamit ng mga plastic campaign materials sa panahon ng pangangampanya para sa nalalapit na halalan sa barangay at gayun din sa susunod pang mga eleksyon.

“Nauso na sa ating mga kandidato—mula sa barangay hanggang sa pamahalaang nasyonal—na gumamit ng mga plastic material sa kanilang pangangampanya at mga sorty at ibang aktibidad.

Ilang halimbawa ng mga ito ay ang mga tarpaulin, handouts at flyers at maging ang mga banderita,” aniya.

Nagpaalala ang opisyal na ang plastic-made campaign material ay nakakapagpalala ng problema ng dumaraming basura na dahilan ng polusyon hindi lamang sa ating kapaligiran kundi maging sa ating mga kanal, ilog, lawa at karagatan.

“Ito ang dahilan kung bakit binibigyan ko ng halaga ang pagpapalabas ng polisiya na magbabawal sa paggamit ng mga plastic campaign material para nang sa gayo’y maaalis nating ang posibilidad ng karagdagan panbg polusyon sa ating kapaligiran,” kanyang pagtatapos.

Sa ganang akin, napapanahon ang panukalang ito ni Dela Cruz na dapat ay pagtuunang pansin agad, hindi lamang ng Comelec kundi maging ang ating mga mambabatas.

Magandang panimula na gawin ang pagbabawal sa paggamit ng plastic ngayong BSK elections upang sa darating na midterm elections sa susunod na taon ay gawin na ito hanggang sa mga darating pang halalan.