Claudine suportado ang pag-aartista ng pamangkin ni Rico
SUMULPOT si Claudine Barretto, ex-GF ng yumaong heartthrob na si Rico Yan, sa contract signing ng pamangkin ng aktor na si Alfonso “Alfy” Yan-Tueres sa Viva Artists Agency (VAA) kamakailan.
Ang 19-year-old newbie ay naging viral sensation noong pandemic year 2020 matapos mapansin netizens ang malaking pagkakahawig nito kay Rico.
OA nga ang pagkakahawig ni Alfy kay Rico kaya naman mabilis na kumalat ang kanyang mga larawan iba’t ibang social media platform, at dahil nga rito, naisip ng iba na malamang na pasukin din niya ang showbiz.
Si Alfy ay anak ng nakakatandang kapatid ni Rico.
Pinili niya na magtuon muna ng atensyon sa pag-aaral bilang Management student sa Ateneo de Manila University. Naging busy din siya sa paglalaro ng baseball bilang miyembro ng Ateneo Baseball Varsity team.
Pero after four years, nag-decide na ang binata na sundan na nga ang mga yapak ng yumaong tiyuhin sa ilalim ng kwadra ng VAA.
Sa totoo lang, mahaba na ang kasaysayan ng Viva sa paggu-groom ng matinee idols into talented actors. Nariyan sina Aga Muhlach, Robin Padilla, James Reid at sa kasalukuyang henerasyon, ang mga tulad ni Andres Muhlach.
Matapos ianunsyo ang pagsali si Alfy sa Viva, nakatanggap siya ng suporta mula sa fans at pamilya, kabilang na nga si Claudine, na dati ring perennial screen partner ni Rico.
“I am so proud to announce that another Yan will be part of this industry,” sabi ng aktres sa isang Instagram post. “Like his Uncle Rico, Alfy will be changing & touching lives & will continue the Yan Legacy. We are so proud of you Alfy!”
Ngayong nasa ilalim na siya ng isa sa mga kilalang talent agency sa bansa, anong klaseng Alfy kaya ang makikita’t makikilala sa show business?
Iyan ang dapat nating abangan sa 2025.