Claudine

Claudine, balak idemanda si Sabrina

July 12, 2023 Vinia Vivar 407 views

Wala raw katotohanan ang lahat ng pinagsasabi ni Sabrina M tungkol sa naging relasyon nila ng yumaong aktor na si Rico Yan.

Ito ang sinabi ni Ogie Diaz sa kanyang latest vlog at naloloka sila na ginagamit pa raw ni Sabrina M ang aktor na dalawang dekada nang namayapa.

Matatandaang sinabi ng comebacking sexy star sa presscon ng kanyang pelikula na naging sila ni Rico for two years at siya raw ang last girlfriend ng aktor bago ito pumanaw.

“March 29, 2002 namatay si Rico Yan, tapos ngayon, 21 years, after 21 years, eh, may magke-claim na naging dyowa siya ni Rico Yan,” sabi ni Ogie.

“Hindi raw totoo. Hindi totoo po ‘yun. Dahil sinabihan na po ng isang kaibigan si Sabrina M. na huwag ikakalat ang hindi totoo. Dahil ang totoo, eh, naging gentleman si Rico Yan sa kanilang lahat, sa kanilang mga girls and that includes Sabrina M.

“Kaya bakit daw nag-iilusyon si Sabrina M na naging sila ni Rico Yan? Magpo-promote lang ng pelikula, gagamit pa ng patay. Ano ba ‘yan, Sabrina M, magbabalik tapos negative?” sey pa ni Ogie.

Maging si Claudine Barretto na nananahimik ay idinamay pa ng sexy star dahil ang sabi nito ay alam ng aktres ang relasyon niya kay Rico.

Kaya ayon kay Ogie, balak idemanda ni Claudine si Sabrina.

“Nabubuwisit si Claudine Barretto. Dahil balak magdemanda ni Claudine Barretto. Dahil hindi raw totoo ‘yung sinasabi ni Sabrina M na aware si Claudine,” ani Ogie.

Hindi rin daw totoo ang sinabi ng sexy star na binigyan pa siya ng bulaklak ng kapatid ni Rico na si Bobby Yan para ilagay sa puntod ng yumaong aktor bago isara.

Ayon pa kay Ogie ay itinanggi na ni Bobby ang mga pahayag ni Sabrina M patungkol kay Rico at maging ang pamilya Yan ay nag-deny na rin.

“Bakit Sabrina? Bakit kailangang mag-imbento kung gusto mong bumalik?” ang tanong ni Ogie kay Sabrina.

Sa panahon nga raw ngayon ay hindi na uso ang ganyang estilo na kailangan pang manggamit para mag-ingay.

“Sabrina naman, tigilan mo na ‘yan, ipahinga mo ‘yang idea mo na ‘yan, Sabrina M. Hindi maganda. Saka ‘wag kang nanggagamit. Paano pa ipagtatanggol nu’ng tao ‘yung sarili niya, wala na siya, patay na siya,” mensahe ni Ogie kay Sabrina M.

“Utang na loob, huwag nang gumamit ng patay,” payo pa niya.

AUTHOR PROFILE