
Class legislation ang Anti-VAWC Law
PALAGI nating naririnig sa mga human rights advocates, sa mga umaastang statesman at sa maraming sensible leaders na hindi dapat nagkakaroon ng class legislation.
Kapag sinabing class legislation, ito ay isang batas na pumapabor lamang or sumisikil sa isang partikular na sektor ng lipunan.
Masyadong malayo ang ating tingin, iyon nga palang Anti-VAWC Law ay isang batas na ang binibigyan ng pabor ay ang mga kababaihan. Ang Anti-VAWC Law ay anti-violence against women and children. Tama iyong C kasi children, wala siyang kasarian, inclusive ito, kasama ang batang babae at kasama ang batang lalaki.
Iyong VAW-C ay masyadong discriminating dahil ang tinutukoy dito ay ang Violence Against Women. Tanong, babae lang ba ang puwedeng maging biktima ng pang-aabuso at pananakit?
Aminin man natin o hindi, marami rin ang kalalakihang nagiging biktima ng karahasan, pang-aalipusta at pananakit ng mga kababaihan. Kaya nga noon ko pa gustong isulong ang partylist namin na PUKIA o Pambansang Ugnayan ng mga Kalalakihang Inaapi ng Asawa!
Kidding aside, saksi tayo sa maraming insidente na hindi lamang kumikibo ang mga lalaki na kung saktan ng babae ay ganoon na lang. Maraming mapagtimpi at marami rin naman talaga ang “sukob” o walang magawa sa astig nilang kapareha.
Kaya nga sa tingin natin ay dapat magkaroon ng wholesale or massive ammendments sa Anti-VAWC law na ito na ang target ay mga lalaki lang palagi ang may kasalanan. Dapat parehas na ginagarantiyahan ng estado ang karapatan ng lahat ng kasarian.
Sa istriktong usapan, kung ang pundasyon natin ay bawal ang class legislation, dapat ay may magsulong ng apela sa Korte Suprema na magpapadeklarang unscontitutional ang anti-VAWC law. Or ang mismong senado at kongreso na ang bumawi sa pamamagitan ng pag-amyenda rito sa lalong madaling panahon bago pa may makaisip na umakyat sa Korte Suprema.
***
Kaya nga nagtataka rin tayo sa ibang women’s group, ganoon na lang sila pumapabor sa sinumang babaeng dudumulog sa kanila kahit hind naman nila alam ang totoong istorya.
Katulad halimbawa ng mga domestic violence or rape na inireklamo ng isang babae. Wala man lang bang benefit of the doubt or presumption of innocence sa parte ng lalaki bago magsawa ng anumang mass action or demanda?
Madalas sa krimen na inaakusa ay walang ibang testigo kung hindi ang babae at lalaki, lalo na kung sa loob ng bahay or hotel nangyari.
Halimbawang ipinakita ng babae ang kanyang mga pasa. ang conclusion agad ay binugbog ng lalaki. Puwede rin kasing sa sobrang intense ng verbal na away ng dalawa ay nagkaroon ng pisikal na engkuwentro. Natural sa babae ang madaling magkapasa kahit salagin lang ng lalaki ang anumang pisikal na pagbubuno.
Kung talagang binugbog ng lalaki ang babae, dapat talaga siyang parusahan batay sa mga umiiral na batas. Naniniwala akong walang puwang sa sibilisadong lipunan ang pananakit ng babae o ng lalaki sa loob man o sa lahat ng tahanan.
Pero paano naman kung imbento lang ang kaso at ang motibasyon sa paghahabla ay pagkakitaan ang lalaki? Hindi ba’t walang proteksiyon sa Anti-VAWC law ang mga lalaki?
Ang panawagan natin sa mga senador at mga kongresista ay isulong agad ang pag-amyenda sa Anti-VAWC law. Hindi lang zero- vawc para sa mga babae, dapat zero violence din para sa mga lalaki.